|
||||||||
|
||
"Berdugo" tumangging may kinalaman sa kidnapping
TUMANGGI ang retiradong general na kinikilalang "berdugo" na may kinalaman siya sa pagdukot at pagkawala ng mga mag-aaral ng University of the Philippines na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño noong 2006.
Ayon kay retired general Jovito Palparan hindi man lamang siya nakaramdam ng pagkakasala. Nais umano niyang harapin ang usapin. Kung walang papanigan ang hukom, nakatitiyak umano siyang mapapawalang sala.
Sa isang panayam sa telebisyom sinabi ni Palparan na hindi siya nagtago dahilan sa pagkakasala kungdi sa pangamba sa kanyang kaligtasan sa oras na madakip siya.. Nangangamba umano siya sa kanyang kahihinatnan sa oras na mapasok sa piitan. Bagaman, niliwanag niyang hindi naman siya nagdududa sa mga ahensya.
Wala umanong kinalaman ang military sa sinasabing pagdukot sa mga mag-aaral ng UP. Nakatiyak umano siyang walang kinalaman ang kanyang mga tauhan sa insidente.
Hindi raw naman mag-aaral sa UP ang dalawang babae kungdi mga kasapi ng New People's Army at wala siyang nalalaman sa pagkawala ng mga mag-aaral.
Nadakip si Palparan ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation kaninang madaling araw matapos ang halos tatlong taong pagtatago. Mayroong pabuyang P 2 milyon, naghihintay sa pagkakadakip sa kanya. Nagsimula siyang magtago noong Disyembre ng 2011.
Isang hukuman sa Bulacan ang naglabas ng warrant of arrest laban kay Palparan na kinasuhan ng dalawang counts ng kidnapping at serious illegal detention sanhi ng pagkawala nina Cadapan at Empeño.
Tumanggi ang general na may alam siya sa kinalalagyan ni MSgt. Rizal Hilario. Magugunitang pinuri ng Pamahalaang Arroyo si Palparan sa kanyang counter-insurgency campaign mula noong 2001 hanggang 2006 subalit sinabi ng Melo Commission na mayroong magpapatotoo na may pagdududa sa ilang mga tauhang mula sa Armed Forces of the Philippines, partikular si General Palparan na may kinalaman sa 'di mabilang na mga pagpatay, sa kanyang pagpayag, pagwawalang kibo at pag-uutos ng mga pagpatay.
Nakilala si Palparan sa kanyang mga destino, sa Mindoro, sa Samar at maging sa Central Luzon, na kinatampukan ng mga pagpaslang, pagpapasakit at pagkawala ng ilang mga mamamayan.
Ayon sa nadakip na general, naisahan siya ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation sa isang tahanan sa Sta. Mesa, Maynila.
Ayon kay Major General Eduardo Año, pinuno ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines, binate pa siya ng kanyang senior officer at nagpasalamat na maipagagamot na niya ang kanyang hypertension at diabetes.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |