|
||||||||
|
||
Misa sa Lunes, iaalay para sa Kapayapaan
NANAWAGAN si Arsobispo Socrates B. Villegas, pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa kanyang mga kapwa obispo na ialay ang Misa (sa Lunes, ika-18 ng Agosto) para sa Kapayapaan at Pagkakasundo sa bansang Iraq.
Ito ang naging mensahe ni Arsobispo Villegas matapos lumiham si Arsobispo Guiseppe Pinto sa kanay kalakip ang liham Director ng Vatican Press Office na nagsabing sa ika-18 ng Agosto, sa pagtatapos ng pagdalaw ni Pope Francis sa Seoul, Korea ay bibigyang halaga ang pananalangin para sa kapayapaan at pagkakasundo sa Myeong Dong Cathedral. Batid umano ng Santo Papa ang mapanganib na kalagayan ng mga Kristiyano sa hilangang Iraq.
Magugunita na sa Orasyon noong Linggo, ika-20 ng Hulyo, umiyak si Pope Francis sa kanyang panawagan hinggil sa mga pasakit na kinakaharap ng mga Kristiano na pinalalayas sa kanilang tinitirhan nang hindi man lamang pinayagang madala ang kanilang mga ari-arian. Kailangang patibayin pa ang kanilang pananampalataya sa mga panahon ng pagsubok.
Nanawagan din si Pope Francis sa lahat na kilalanin ang kahalagahan ng tunay na pag-uusap at pagkakasundo. Hindi nagagapi ang kaguluhan sa pamamagitan ng kaguluhan sapagkat ito ay napagwawagian sa pamamagitan ng Kapayapaan.
Sa kanyang panawagan, sinabi ni Arsibispo Villegas na iparating din ang kanyang mensahe sa mga pari na ialay ang Misa para sa Kapayapaan at Pagkakasundo sa lahat ng parokya sa bansa.
Hiniling din niya sa mga mag-aaral na magrosaryo sa kanilang paaralan sa paghilom ng sugat sa Iraq bilang pakikiisa sa panalangin ni Pope Francis.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |