|
||||||||
|
||
20140818meloreport.mp3
|
MATAPOS sabihin sa isang panayam sa ABC Channel 5 noong isang linggo na sensitibo siya sa panawagan ng kanyang mga "Boss" na maglingkod ng higit pa sa 2016, sinabi naman ni Pangulong Aquino sa mga politiko na magtrabaho muna bago pumasok sa pangangampanya sa halalang idaraos sa Mayo 2016.
Sa inagurasyon ng kagagawang Ninoy Aquino Bridge sa San Luis, Tuao, Cagayan, sinabi ni Pangulong Aquino na lumalabas na sa oras na makabasa ng mga pahayagan ay marami ng makikitang mga politikong nangangampanya na.
Idinagdag ni Pangulong Aquino na tila nalimutan na ng mga ito ang mga problemang nararapat tugunan.
Ipinaliwanag niyang mas makabubuting unahin na muna ang mga pangangailangan at mga suliranin ng mga mamamayan.
Nagpahayag na si Pangalawang Pangulong Jejomar Binay na may balak siyang tumakbo sa 2016. Sa kabilang dako, ang Partido Liberal ang nagsusulong kay Interior and Local Government Secretary Manuel Araneta Roxas II.
Sa kanyang talumpati, wala siyang sinabi hinggil sa pagbabago ng Saligang Batas upang dagdagan ang termino ng pangulo subalit sinabi niya na magkakaroon ng reporma kasama man siya o hindi sa eksena. Pinuri din niya ang nagawa ng yumaong Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo, na nasawi may dalawang taon na ang nakalilipas.
Ang tulay ay natapos sa ambag na halagang P 145 milyon mula sa kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program na idineklarang taliwas sa Saligang Batas ng Korte Suprema kamakailan. Ang tulay na bumabagtas sa Chico River ay nagkakahalaga ng P 599.4 milyon. Ang tulay ding ito ang nag-uugnay sa mga lalawigan ng Kalinga at Apayao.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |