|
||||||||
|
||
Katatagan, kailangan
ANG pagiging matiyaga at matatag ng isang guro sa Davao ang isang magandang halimbawa sa mga lingkod-bayan. Ito ang sinabi ni Brother Armin Luistro, FSC, ang Kalihim ng Edukasyon sa paglulunsad ng Human Development Report ng United Nations Development Program at ika-anim na update sa nagawa ng Pilipinas sa Millennium Development Goals na magtatapos sa 2015.
Kakaiba umano ang obligasyon ng isang mag-aaral sa isang Kalihim ng Edukasyon sapagkat ang mga mag-aaral ay nag-uulat sa loob ng klase at nabibigyan ng grado ng guro. Ang isang Kalihim ng Edukasyon ay mahuhusgahan sa bilang ng mga mag-aaral na nagkaroon ng access sa mga paaralan.
Sinabi ni Kalihim Luistro na kapuri-puri ang ginawa ni Randy Halasan, isang guro sa Davao na kailangang gumugol ng pitong oras sa mula sa Lungsod ng Davao patungo sa kanyang paaralan, sasakay ng bus ng dalawang oras, isa't kalahating oras na sakay sa habal-habal, maglalakad ng apat na oras at tatawid ng dalawang mapanganib na ilog.
Pinamunuan niya ang pagtatanim ng mga punongkahoy na nagmula sa mga buto, hanggang sa lumaki at napakinabangan ng mga mamamayan sa barangay.
Ayon kay Kalihim Luistro, sinabi ni G. Halasan na kung sa pagtuturo lamang niya itinuon ang pansin, walang magaganap sapagkat mananatiling gutom ang mga mag-aaral.
Isa umanong inspirasyon si Randy, dagdag pa ni Kalihim Luistro. Sa sakripisyong ito, makakasama si G. Halasan sa Ramon Magsaysay Awardees ngayong 2014.
Binanggit din niya ang epekto ng pagbabago sa klima na naghahatid sa mga mamamayan sa panibagong panganib. Kailangan umano ang katatagan at upang matamo ang inaasahang kaginhawahan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |