|
||||||||
|
||
Iranian Ambassador, tumanggi sa balitang lumabas
SINABI Ambassador Ali Asghar Mohammadi ng Iran na nagpadala na siya ng note verbale sa Department of Foreign Affairs upang tanggihan ang nabalitang 100 mga Filipino na nagtungo sa Iran upang magsanay sa ilalim ng Islamic State in Iraq and Syria.
Sa kanyang pagharap sa mga mamahayag sa kanyang tahanan sa Makati, sinabi ni Ambassador Mohammadi na nais nilang liwanagin na ayon sa kanyang pagsusuri at impormasyong natanggap, imposibleng maganap ang pagsasanay ng may 100 mga Filipino sa kanyang bansa.
Naunang lumabas ang mga balitang ayon sa isang confidential memorandum sa Department of Foreign Affairs na ang Iran ay mayroong pook na pinagsasanayan para sa mga Filipinong jihadists bago ikalat sa Iraq at lumahok sa ISIS na kinabibilangan ng mga Sunni Moslems.
Ayon kay Mohammadi, ang Iran ay lumalaban sa ISIS. Sila umano ang nagtatanggol sa pamahalaan ng Syria kaya't mahirap na sa kanila sinasanay ang mga lumalaban sa pamahalaan ng Syria.
Idinagdag pa niya na hindi totoo ang mga balitang tulad ng lumabas sa mga pahayagan. Hindi rin katanggap-tanggap ang mga impormasyong ganito.
Wala pa umano siyang natatanggap na sagot sa kanyang ipinadalang note verbale. Idinagdag pa niya na nakausap na niya ang mga opisyal ng Department of Foreign Affairs na nagsabi sa kanyang ang balita ay katawa-tawa.
Ikinalungkot niya na napinsala ang imahen ng kanyang bansa sa lumabas na balita. Mahalaga umano sa mga taga-Iran ang public opinion at sa mga balitang lumabas, nasayang ang kanilang mga nagawa noong mga nakalipas na panahon.
Bagaman, sinabi ni Ambassador Mohammadi na nararapat seryosohin ng Pilipinas ang mga balitang nangangalap na ng mga kasapi ng ISIS sa bansa. Kailangang alamin ng pamahalaan ng Pilipinas ang mga balitang ganito. Malaki ang posibilidad na nangangalap ang ISIS ng mga kasama sa buong daigdig.
Maaaring target ng ISIS recruitment ang mga bansa sa Timog Silangang Asia sapagkat madaling makausap ang mga grupong nagsusulong ng Islamic fundamentalism.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |