|
||||||||
|
||
Mga abogado, humiling sa hukuman hinggil kay Palparan
HINILING ng National Union of People's Lawyers sa Malolos Regional Trial Court na pawalang-saysay ang naunang kautusan na naglilipat kay retiradong General Jovito Palparan na naglalagay sa kanya sa isang military detention facility upang maibalik sa Bulacan Provincial Jail.
Sa isang motion to transfer detention, ang NUPL sa pamumuno ni Atty. Edre Olalia, ay nagsabing si General Palparan ay isa nang retiradong opisyal at isa nang sibilyan at walang anumang batas o jurisprudence na pumapayag sa isang sibilyan na mapiit sa isang military facility.
Ang NUPL ang mga abogado ng mga kamag-anak ng mga sinasabing biktima ni Palparan na sina Sherly Cadapan at Karen Empeño, kapwa mga mag-aaral na aktibista mula sa University of the Philippines sa Diliman ng mawala noong 2006.
Nahaharap si Palparan sa kasong kidnapping at serious illegal detention sa pagkawala nina Cadapan at Empeño.
Nadakip siya ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation noong Agosto 12,2014 matapos ang ilang taong pagtatago mula ng lumabas ang arrest warrant noong 2011. Mula sa NBI, dinala ang retiradong general sa Bulacan Provincial Jail.
Sapagkat mayroong panganib sa kanyang buhay, pumayag ang hukuman sa kanyang kahilingan na ilipat sa pangangalaga ng Philippine Army at manatili sa isang detention facility.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |