|
|
|||||||
| |
||||||||
|
||
Department of Foreign Affairs, walang papel sa kaso ni "Jennifer"
WALANG papel na gagampanan ang Department of Foreign Affairs sa pakikipag-usap sa pamilya ng napaslang na si Jeffrey "Jennifer" Laude sa Olongapo City noong Sabado ng hatinggabi.
Sa isang briefing, sinabi ni Asst. Secretary Charles Jose na ginagawa na ng Philippine National Police ang pagsisiyasat at natapos na rin at mayroon ng pormal na reklamo.
Naunang sinabi ni Atty. Harry Roque, abogado ng napaslang na transgender, na walang tauhan ng DFA at Presidential Commission on the Visiting Forces Agreement ang nakipagkita sa pamilya ng biktima.
Ayon kay Asst. Secretary Jose, walang dahilan upang pumasok pa ang DFA at VFACOM sa usapin sapagkat ang insidente ay isang criminal case. Pinuna ni Atty. Roque ang DFA at VFACOM dahil hindi man lamang nakiramay sa pamilya ng biktima.
Ipinagsakdal na ng pulisya sa Olongapo City Prosecutor's Office ang isang Marine Private First Class Joseph Scott Pemberton sa pagpaslang kay Laude noong Sabado ng gabi.
Ipinaliwanag ni Jose na hihintayin nila ang usaping makarating sa hukuman at makapaglabas ng warrant of arrest bago nila hilingin sa Estados Unidos ang custody ni Pemberton.
Si Pemberton at tatlong iba pang marines na kinikilalang mga saksi ang detenido sa USS Peleliu sa Subic Bay.
| © China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |