|
|
|||||||
| |
||||||||
|
||
Gabriela, lumahok na rin sa picket sa US Embassy
NABABAHALA ang grupong Gabriela kung bakit ang akusadong si US Marine Private First Class Joseph Scott Pemberton sa pagpatay kay Jennifer Laude ang nasa pangangalaga pa ng USS Peleliu samantalang ang ibang mga barko ay pinayagan ng makaalis ng Subic.
Sa isang rally sa harap ng Embahada ng Estados Unidos sa Roxas Blvd., Maynila, sinabi ni Joms Salvador, secretary general ng Gabriela na nararapat ipakita ng Embahada ng Estados Unidos si Pemberton na siya ay nasa bansa pa at isuko sa mga autoridad na Filipino sapagkat nahaharap siya sa kasong paglabag sa batas ng Pilipinas.
Tanging pananalita lamang ng mga Americano ang pinanghahawakan ng bansa na sakay pa ng barkong Peleliu si Pemberton. May posibilidad na naipuslit na siya palabas ng bansa sa pamamagitan ng ibang mga barkong nakaalis kahapon.
Ayon kay Salvador, lumalabas na naulit muli ang 2005 Subic Rape Case sa kahirapan ng biktimang makuha si Lance Corporal Daniel Smith kahit may batas laban sa panghahalay na nagsasabing ang akusado ay nararapat madetine sa piitang pag-aari ng Pilipinas samantalang nililitis ang kaso.
Idinagdag pa ni Salvador na hindi basta maaayos ang ilang probisyon ng VFA upang matiyak ang hurisdiksyon ng Pilipinas sa mga usapin. Palpak ang kasunduan at napapaboran lamang ang Estados Unidos kaya't nararapat pawalang-saysay ang kasunduang ito.
| © China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |