|
||||||||
|
||
Politika, nagpabagal sa pagtugon sa mga binagyo
POLITIKA ANG DAHILAN NG MABAGAL NA PAG-AYUDA. Sinabi ni Fr. Edu Gariguez, executive secretary ng National Secretariat for Social Action, Justice and Peace na politika ang dahilan ng napakabagal na pagtulong sa mga nasalanta ni "Yolanda." May itinatangi sa relief distribution, dagdag pa ni Fr. Gariguez. (Melo M. Acuna)
ANG masamang gawi ng mga politiko sa panahon ng trahedya ang nagpabagal sa paghahatid ng mga kailangan ng mga binagyo. Ito ang pahayag ni Fr. Edu Gariguez, executive secretary ng National Secretariat for Social Action, Justice and Peace (NASSA) sa isang press briefing kanina.
Ayon sa pari, sa simula pa lamang ay napakabagal ng tugon ng gobyerno. Ipinaliwanag nilang obligasyon ng pribadong sektor tulad ng simbahan na tumulong sa pamahalaan sa pagdalo sa mga trahedya at kalamidad. Nakarating umano siya sa Tacloban City tatlong araw matapos ang bagyo.
Napakabagal ng tulong sapagkat hindi maasahan ang local government units dahil apektado rin ng trahedya.
Idinagdag pa ni Fr. Gariguez na sa simula pa lamang ay lumitaw na ang isyu ng politika sa halip na i-angat ang kalagayan ng mga biktima ay itinatangi pa ang mga kakampi kaysa hindi kapartido.
Napakaganda umano ng pambansang master plan upang tugunan ang mga pangangailangan ng mga binagyo nagkataon nga lamang na hanggang papel lamang ito. Idinagdag pa ni Fr. Gariguez na nakapagtayo na sila ng 1,810 mga tahanan sa halagang € 9.7 milyon.
Hindi umano maiaalis ng ibang mga bansang nag-ambag sa kampanya ng pamahalaan sa ngalan ng mga biktima na magtanong kung saan nakarating ang kanilang ipinadalang salapi.
Inihalimbawa niya na mas madaling makarating ang ayuda sa mga kakampi sa larangan ng politika. Politika umano ang sumasagka sa pagtulong sa mga nangangailangan.
Isang pari mula sa Calbayog ang nais tumulong sa pamahalaang lokal subalit napakabagal ng National Housing Authority at maging ang Department of Environment and Natural Resources.
Kinondena rin ni Fr. Gariguez ang land-grabbing na nagaganap sa Sicogon. Ang mga naninirahan sa tabing-dagat ay napaalis ng bagyo subalit hindi na pinabalik pa dahilan sa no-build zone na idineklara ng pamahalaan kaya nga lamang ay Ayala Land na ang nagbabawal sa mga naninirahang bumalik sa kanilang datng kinatatayuan.
Pinagbawalan pa raw sila ng mga security guard na pumasok at magdala ng tulong sa mga mamamayan. Nakalulungkot na napaalis sila ng bagyo subalit pinagbabawalan na ng malaking kumpanya.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |