|
||||||||
|
||
Sundalong Amerikano, pinakakasuhan ng murder
MAHAHARAP sa kasong murder ang sundalong Americanong si Private First Class Joseph Scott Pemberton ayon sa desisyon ng Prosecutor's Office sa Olongapo City. May basehang natagpuan ang mga prosecutor na magpa-abot ng sumbong na murder laban kay Pemberton sa pagkamatay ni Jennifer Laude.
Walang piyansa ang kasong murder.
Sa Maynila, sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima na kinilala ng lupon ng mga taga-usig ang qualifying circumstances ng treachery, abuse of superior strength and cruelty kaya bumagsak sa usaping murder at hindi homicide.
Ayon sa mga abogado ni Pemberton, ang mga circumstancia ay para lamang sa homicide at hindi murder.
Gagawin ang pagbasa ng sakdal sa Branch 74 ng Regional Trial Court ng Olongapo City.
Ayon kay Atty. Virgie Suarez, ang pagkakatagpo ng probable cause ay pagwawagi hindi lamang sa pamilya Laude kungdi sa buong bansa. Si Suarez ang inaasahang magiging private prosecutor sa usapin. Umaasa siyang maglalabas ng warrant of arrest ang hukuman. Sa ilang mga pagkakataon dagliang naglalabas ng warrant of arrest ang hukuman sa oras na mabatid na malakas ang mga ebidensya.
Sa panayam ng mga mamamahayag, sinabi ni Atty. Suarez na dapat lamang antabayanan ang gagawin ng hukuman. Kung nadakip nga ang mga senador dahilan sa pork barrel scam, ganoon din dapat ang kay Pemberton.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |