|
||||||||
|
||
Pilipinas, nakikipag-ugnayan sa mga autoridad sa Sydney
PILIPINAS, NAKIKIPAG-UGNAYAN SA EMBAHADA SA CANBERRA AT SYDNEY. Ito ang sinabi ni Asst. Secretary Charles Jose kanina matapos mabatid na may hostage-taking incident sa Australia. Inaalam kung mayroong Filipino hostages o hostage-takers hanggang sa mga oras na ito. (File Photo/Melo M. Acuna)
INAALAM pa kung mayroong mga Filipinong nasangkot sa hostage situation sa isang café sa Sydney.
Ayon kay Asst. Secretary Charles Jose, nakikipag-ugnayan sila sa mga diplomata ng bansa sa Canberra at Sydney at inaalam ang mga nagaganap sa hostage crisis.
Batid umano nilang inaalam pa ng mga pulis sa New South Wales kung ano ang nationalities ng mga hostage at ng mga sangkot sa hostage-taking incident. Pinayuhan ni G. Jose ang mga Filipino na maging maingat at lumayo sa pook ng hostage-taking incident upang manatiling ligtas.
Idinagdag ni G. Jose na nakikiisa ang mga Filipino sa mga mamamayan ng Australia sa pananalanging matapos na ang tensyon sa payapang paraan. Hindi pa batid kung ilan ang hostage-takers at kanilang dahilan ng panggigipit mula pa kaninang umaga. May tatlong hostages na nakatakas ayon sa international media.
Ayon sa pamahalaan, mayroong 391,000 mga Filipino sa Australia. May 329,000 ang permanent migrants samantalang mayroong 58,000 temporary residents migrants at may 3,000 undocumented Filipinos.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |