|
||||||||
|
||
Patapos na taon, maraming hamong kinaharap
NAHARAP ang bansa sa mga pagsubok ngayong 2014 subalit unti-unting nalampasan ang mga ito. Ito ang paniniwala ng mga panauhing dumalo sa huling edisyon ng Tapatan sa Aristocrat kaninang umaga.
Sinabi ni Engr. Alberto Suansing, dating chairman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board at pinuno ng Land Transportation Office na unti-unti nang naiibsan ang problema ng mga may truck at ng mga mangangalakal.
Nagkasundo na rin ang mga stakeholders, maging ang pamahalaan at mga mangangalakal upang tapusin na ang problemang dulot ng truck ban. Samantala, sinabi naman ni Dr. Ted Herbosa ng Kagawaran ng Kalusugan na mas nakatatakot ang drug-resistant na tuberculosis sapagkat mas madali itong makahawa kaysa ebola na malayo ang pinanggagalingan.
MARAMING HAMONG HINARAP ANG PILIPINAS NITONG 2014. Ipinaliliwanag ni dating DILG Secretary Rafael M. Alunan III na hindi lamang pamahalaan ang nararapat asahan sa pagharap sa mga pagsubok. Ito ang kanyang pananaw sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat kaninang umaga. Kailangan umanong madama ang mga partido politikal sa paghahanda para sa taong 2016, ang Pambansang Halalan. Dumalo rin sina Engr. Bert Suansing, Health USec. Ted Herbosa at PNP Sr. Supt. Roland Po. (Melo M. Acuna)
Niliwanag din ni Dr. Herbosa na hindi nararapat maganap ang naganap sa Pampanga na sinamahan ng mga pulis ang mga manggagamot ng pamahalaan upang kunin ang isang bumalik na manggagawa mula sa Siera Leone. Mayroon umanong protocol na nararapat sinusunod upang maiwasan ang mala-piyestang pagkakataon.
Para kay Sr. Supt. Roland Po, bagama't bumaba ang crimes against persons, napuna nilang tumaas ang crimes against property at dumami rin ang rape na nagmula sa may higit sa 7,000 kaso noong nakalipas na taon ay umabot na sa halos 9,000 kaso ngayong 2014.
Sinabi naman ni dating DILG Secretary Rafael M. Alunan III na kung tumataas ang bilang ng mga krimen, ito ay dahilan na rin sa pag-uulat ng mga mamamayan dahilan sa kanilang pagtitiwala sa pamahalaan at pulisya. Idinadag pa niya na dumami rin ang mga mamamayan.
Bagaman, ipinarating ni G. Alunan na umaasa siyang magiging mas maganda ang 2015 at sa pagsapit ng 2016 ay mahalal ang mga karapatdapat na maluklok sa pamahalaan at makita na rin ang kahalagahan ng political parties sa bansa.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |