|
||||||||
|
||
Simbang gabi, sisimulan na bukas
MILYON-MILYONG Filipino ang dadagsa sa mga simbahan bukas ng ika-apat na hapon sa pagsisimula ng siyam na araw na paghahanda para sa Kapaskuhan. Naging tradisyon na ito sa bawat ika-16 ng Disyembre na magsimula ng Misa sa ganap na ika-apat o ika-apat at kalahati ng umaga.
Ayon kay Fr. Marvin Mejia, Secretary-General ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, nagmula ang tradisyong ito noon pa mang panahon ng mga Kastila at binibigyan ng pagkakataon ang madla, partikular ang mga magsasaka at kanilang mga pamilya na makapaghanda para sa Kapasukan. Tingurian itong Misa de Gallo na nangangahulugang kasabay ng pagtilaok ng tandang.
Ipinaliwanag niyang nagpatuloy ang tradisyong ito sa paglipas ng panahon sapagkat nakasanayan at pinahalagahan na ng mga Filipino ang kaugaliang ito.
SIMBANG GABI SISIMULAN NA. Sinabi ni Fr. Marvin Mejia, Secretary General ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na magsisimula bukas ng madaling araw ang Simbang Gabi, ang tradisyong minana mula sa mga Kastila noong 1500s. Misa de Gallo o misa kasabay ng pagtilaok ng tandang, ito ang dinadaluhan ng mga magsasaka at mga taga-nayon noong mga nakalipas na dekada. Ngayon ay mayroong anticipated Simbang Gabi na sinimulan noong magdeklara ng batas militar ang Pamahalaang Marcos noong 1972. (File Photo/Melo M. Acuna)
Karaniwang matatagpuan ang mga tindang bibingka at puto bumbong sa labas ng simbahan na kinagigiliwan ng mga nagsisimbang mga kabinataan at kadalagahan.
Nagkaroon ng pagbabago ang Simbang Gabi ng magdeklara ng Batas Militar si Pangulong Ferdinand Marcos noong 1972. Ang ibang pook ay nagkaroon ng anticipated simbang gabi na nangangahulugang ang misa ay idaraos sa ika-15 ng Disyembre sa ganap na ikapito o ikawalo ng gabi at magsisilbi itong misa para sa madaling araw.
Ayon kay Fr. Mejia, ang Simbang Gabi ngayon ay nakatuon sa paghahanda na rin sa pagdating ni Pope Francis sa Enero. Sa mga panalangin ay tema ang mithing maging isang bansa ng awa at pagkahabag o "nation of mercy and compassion."
Idinaraos din ang Simbang Gabi sa ibang bansang katatagpuan ng mga Filipino tulad ng Kuwait. Sinisimulan ang misa sa ganap na ikalima ng umaga sa wikang Pilipino. Matatagpuan din ang mga pagkaing ginagiliwan ng mga Filipino sa paglipas ng mga daang-taon.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |