|
||||||||
|
||
Isang milyong kapote, inihanda sa Leyte
NAGHANDA ang Archdiocese of Palo ng isang milyong transparent na mga kapote na ipamamahagi sa mga mananampalataya sa oras na umulan sa misang pamumunuan ni Pope Francis sa Daniel Z. Romualdez Airport sa Sabado.
Inaasahang maulan ang araw ng Sabado dahilan sa papalapit na bagyo. Ayon kay Fr. Amadeo Alvero, ang communications director ng Archdiocese of Palo, naghanda ang simbahan para sa mga kapoteng mula sa mga mag magagandang-loob. Binanggit din ni Fr. Alvero na maaaring mabalam o magbago ang schedule ng Santo papa dahilan sa bagyo.
Ayon kay Fr. Alvero, handa na ang lahat at mamamahagi ng mga kapote sa oras na umulan. Bawal ang pagdadala ng payong sa Misa na magsisimula sa ganap na ika-sampu ng umaga. Tanging dahilan ay seguridad at pagpapanatili ng kasagraduhan ng okasyon.
Isang dry-run ang ginawa kahapon sa kahabaan ng 12 kilometrong lansangang daraanan mula sa paliparan patungo sa Katedral ng Palo. Dumating na rin ang tanyag na Swiss Guards sa tahanan ng Arsobispo ng Palo na pagdarausan ng pananghalian kasama ang may 30 nakalitas sa bagyong "Yolanda" at malakas na lindol.
Bukas na ang pook na pagmimisahan para sa mga lalahok ganap na ika-anim ng gabi sa Biyernes at isasara sa ganap na ika-anim ng umaga sa Sabado, apat na oras bago simulan ang misa. May higit na sa 70,000 mga mamamayan mula sa 78 parokya ng Palo ang nakalista para sa pagtitipon.
Ang mga wala sa listahan ay makakapasok matapos kapkapan ng mga alagad ng batas. Tinatayang mayroong 150,000 katao sa pook ng Misa.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |