|
||||||||
|
||
BANDILA SA PNP GENERAL HEADQUARTERS, NAKA-HALF MAST. Ang bandila ng Pilipinas ay nasa kalahatian lamang ng flagpole bilang pakikiisa sa National Day of Mourning sa pagkasawi ng 44 na tauhan ng Special Action Force. May iba't ibang paraan na parangal ang ginawa para sa mga nasawi sa iba't ibang bahagi ng bansa. Kuha ang larawan sa punong tanggapan ng PHP sa Campo Crame kaninang katanghalian. (Melo M. Acuna)
TINANGKA ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na makiramay sa mga pamilya ng 44 na napaslang na pulis sa Maguindanao subalit karamihan umano'y 'di naantig kaya't 'di tinanggap ang medalya at plakeng ibinibigay bilang parangal.
Malamig ang pagtanggap sa papuri't parangal ni Pangulong Aquino sa negrological rites dahilan sa hindi niya pagpapakita sa pagsalubong kahapon sa Villamor Air Base.
Ani Pangulong Aquino, dama niya ang nadarama ng mga naulila sapagkat nawalan rin siya ng ama noong 1983. Pinasalamatan niya ang mga pulis sa kanilang kabayanihan subalit kahit na kinilala ang pag-aalay ng buhay, dismayado ang mga pulis at mga kamag-anak.
Tinanggihang tanggapin ni Rachel Sumbilla, balo ni PO3 John Lloyd Sumbilla ang medalya na ibinigay ni Pangulong Aquino at iniabot na lamang sa isang kamag-anak.
Nangangamba umano siyang matatabunan at malilimutan ang isyu sa dami ng problema ng pamahalaan, hindi niya batid kung kikilalaning prayoridad ito, dagdag pa ni Gng. Sumbilla. Ayon pa sa nabalo, nais ng kanyang esposo na mamatay sa laban.
Kasama ang nasawing si PO3 Sumbilla ng may 391 iba pang tauhan ng Special Action Force na nakahandang sumalakay sa kampo ng sinasabing teroristang si Zulkifly bin Hir na kilala sa pangalang Marwan. Nagapi ang mga pulis ng pinagsanib ng pwersa ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at Moro Islamic Liberation Front.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Pangulong Aquino na napaslang si Marwan ng mga tauhan ng SAF samantalang darakpin si Usman.
Matapos ang kanyang talumpati, isang pulis ang nagsabing umaasa siya ng mas may lamang pahayag mula sa pangulo. Wala umanong maski isang pumalakpak.
Para sa isang ina ng napaslang na pulis, mahihirapan siyang magsalita subalit nararapat umanong managot ang nararapat managot. Nanangis ang ina at humiling na kailangan nila ng katarungan.
Hiniling ni Erica Pabalinas, balo ni Police Senior Inspector Ryan Pabalinas na magkaroon ng katarungan, hindi lamang para sa kanyang mister kungdi para sa lahat na nakipaglaban at napaslang.
Direktang nanawagan ang biyuda kay Pangulong Aquino na nakatingin lamang sa kanya.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |