|
||||||||
|
||
Kalihim de Lima, pinag-aaralan ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa MILF
PINAG-AARALAN na ng Kagawaran ng Katarungan ang posibilidad na pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa mga tauhan ng Moro Islamic Liberation Front sa pagkakapaslang sa 44 na pulis noong Linggo sa Maguindanao.
Sa isang panayam kay Justice Secretary Leila de Lima, sinabi niyang may posibilidad na kasuhan ng multiple murder, homicide at iba pang usapin ang mga kasapi ng MILF na nasangkot sa insidenteng ikinasawi ng mga pulis na dadakip kay Zulkifly bin Hir alias Marwan sa bayan ng Mamasapano.
Ipinaliwanag ni Kalihim de Lima na inaalam nila ang mga pananagutan ng mga may kagagawan tulad ng multiple murder, homicide, serious physical injuries, direct assaults, illegal possession of firearms, violation of Republic Act 9851 o mga krimeng paglabag sa International Humanitarian Law at obstruction of justice.
Bagaman, hindi kaagad maipararating ang mga usapin samantalang hindi pa tapos ang imbestigasyon ng Board of Inquiry na binuo ng pulisya.
Nararapat lamang na mabatid ang buong larawan kabilang na rin ang pagkatao ng mga may kagagawan.
Batid rin nila ang kahilingan ng mga naulilang mabigyan ng katarungan ang pagkasawi ng kanilang mahal sa buhay.
Sa panig ni Atty. Harry Roque ng University of the Philippines College of Law, mapapanagot ang MILF sa maituturing na War Crime sa pagtataksil sa ilalim ng International Humanitarian law. Pinagtiwala ng MILF ang pamahalaan na ligtas ang mga tauhan nito subalit pinatay nila ang mga tauhan ng pulisya.
Maaaring litisin ang usapin sa bansa subalit duda si Atty. Roque kung itutuloy ng pamahalaan ang pagsasakdal sa mga MILF. Nakatitiyak umano siyang hahadlangan nina Prof. Miriam Coronel-Ferrer at Presidential Adviser on the Peace process Teresita Quintos-Deles ang paglilitis sa mga pinuno ng MILF.
Iginiit ni Roque na mas makabubuting dalhin ang usapin sa International Criminal Court.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |