|
||||||||
|
||
MILF, UMAASANG MATUTULOY ANG PEACE PROCESS. Ito ang sinabi ni MILF Vice Chairman Ghadzali Jaafar sa isang panayam ng CBCPNews. Kailangang pag-aralan ang nilalaman ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro kung may nababanggit na mekanismo sa pagsusuko ng mga taong pinaniniwalaang sangkot sa madugong sagupaan noong ika-25 ng Enero. (CBCPNews File Photo/Roy Lagarde)
KAILANGANG pagbalik-aralan ng magkabilang-panig ang nilalaman ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro ng pamahalaan at ng MILF, kung isusulong ng ilang sektor ng pamahalaan ang pagsusuko ng mga pinaniniwalaang nasasangkot sa pagkasawi ng 44 na mga tauhan ng Special Action Force.
Ito ang sinabi ni Gadzhali Jaafar, vice chairman for political affairs ng MILF sa isang panayam ng CBCPNews. Inamin ni G. Jaafar na isang malaking problema ang naganap sapagkat naganap ang hindi nararapat maganap. Ito ang dahilan kaya't ilang political leaders at mga mamamayan ang naging emosyonal sa pangyayari dahilan ng sinasabing misencounter o massacre.
Sa likod ng mga pangyayaring ito, naniniwala pa rin si G. Jaafar na kailangang ituloy pa rin ang peace process sapagkat ito ang pinakamakatao at sibilisadong paraan upang malutas ang mga sagupaan.
Magaganap pa rin ang decommissioning sapagkat napapaloob ito sa nilagdaang kasunduan ng pamahalaan ng Pilipinas at ng MILF sa pakikipagtulungan ng Malaysian government at nasaksihan pa ng international community.
Naniniwala si G. Jaafar na tapat si Pangulong Aquino sa peace process at desididong matapos ito sa kanyang panunungkulan. Ang "peace process" ay isang political solution sa isang political problem.
Bagama't may katotohanan ang balitang mga sakit ng ulo ang mga nasa 105th Brigade ng MILF, nabawasan na ito ng humiwalay si Umbra Kato at nagtatag ng kanyang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.
Tiniyak din ni G. Jaafar na mababatid ang katotohanan sa pamamagitan ng kanilang binuong pito-kataong lupon na magsisiyasat sa naganap sa Mamasapano.
Niliwanag din ni G. Jaafar na kailangang suriin ang nilalaman ng peace process upang mabatid kung may probisyong nagsasaad na kailangang isuko ang mga tauhang pinaniniwalaang sangkot sa pagkamatay ng mga tauhan ng Special Action Force noong Linggo sa Maguindanao.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |