|
||||||||
|
||
NARARAPAT magpaliwanag sina Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III at mga tagapayo tungkol sa kanilang mga ginawa na naging dahilan ng pagkasawi ng 44 na tauhan ng pulisya.
PANGULONG AQUINO AT MGA KASAMA, KAILANGANG MAGPALIWANAG. Nanawagan si Arsobispo Socrates B. Villegas sa pangulo at kanyang mga tagapayo ng magpaliwanag ng kanilang nalalaman sa malagim na sagupaang naganap sa Mamasapano, Maguindanao noong nakalipas na buwan. Magugunitang 44 na tauhan ng Special Action Force ang nasawi kasama ang mga MILF at mga sibilyang napagitna sa labanan. (File Photo/Noli Yamsuan)
Sa isang nilagdaang pahayag sa ngalan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, sinabi ni Arsobispo Villegas na target ng mga pulis ang tinaguriang high value targets at kung darakpin sila ng pulisya, gagawin nila ito sapagkat inatasan silang dakpin ang mga salarin. Hindi kailanman mag-uutos ang pulisya sa sarili.
Napuna sa mga idinaos na mga pagdinig, nagmula ang utos sa pinakamataas na antas na dakpin ang mga salarin at tanging hinihintay na lamang ang tamang pagkakataon, ang desisyong gagawin ng mga tauhang nasa ibaba.
Nananatiling tanong kung bakit inilihim ang operasyon sa officer-in-charge ng PNP at sa Kalihim ng DILG. Lumalabas umanong mas kapani-paniwala ang isang suspendidong police officer. Ipinagtatanong pa ng arsobispo kung bakit ang suspendidong opisyal ang siyang nag-uutos sa mga opisyal na nasa Mindanao.
Mali umano ang pagkukubli sa isang tao mula sa kahihiyan at sa posibleng pagkakasakdal lalo pa't ang mga pahayag ay sinumpaan.
Pinapurihan din ni Arsobispo Villegas ang kabayanihan ng 44 na tauhan ng pulisya.
Hindi kailanman nararapat mapasalalay ang kapayapaan sa pangloloko, pagkukubli ng katotohanan. Ito ang dahilan kaya't nararapat mabatid ang pinaka-ugat at pinaka-buod ng naganap sa Mamasapano. Nakita na umano ang mga patibong at mga kakulangan sa kasunduang nilagdaan ng pamahalaan sa MILF.
Ang layuning mapigil ang mga sagupaan ay hindi basta magaganap sapagkat ang kailangan ay ang tinaguriang principled settlement. Kailangang ang kapayapaan ay nag-uugat sa katotohanan, isang pangako tungo sa katarungang panglipunan at pagtugon at pagsunod sa Saligang Batas ng bansa.
Kailangan ang katapatan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front. Nararapat mapigil ang kaguluhan samantalang ipinatutupad ang prosesong legal. Ang mga alagad ng batas na naghahabol ng mga pusakal ay hindi kailanman magiging lehitimong target ng iba't ibang grupo. Kung may tigil-putukang napagkasunduan, nararapat sumunod ang magkabilang-panig.
Anang pangulo ng CBCP, nararapat lamang isuko ng MILF ang mga may kagagawan, ang mga pumaslang sa 44 na pulis at hindi nararapat makialam sa paglilitis. Ang pelikulang napanood ng madla ay hindi nararapat isa-isang tabi.
Nakikiisa ang CBCP sa mga naulila at nabalo sa paghahanap ng katarungan at pagsusuplong sa mga may kagagawan. Nararapat ding ipaliwanag ung bakit nakapanirahan ang mga teroristang banyaga sa mga pook na pinagpupugaran ng MILF.
Kailangan ding ibalik ang mga sandal at baling nakuha mula sa mga tauhan ng SAF at iba pang mga tauhan ng pamahalaan.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |