|
||||||||
|
||
Mga Filipino, makakaligtas sa mga pagsubok
OFWS MAKAKALIGTAS SA ANUMANG KRISIS. ito ang paniniwala ni G. Richard S. Bolt, ang director ng Philippine Country Office ng Asian Development Bank. Sa mga nakalipas na krisis tulad ng global financial crisis, nakaligtas ang mga manggagawang Filipino sapagkat madali silang makatagpo ng hanapbuhay kahit sa labas ng Gitnang Silangan. (Melo M. Acuna)
SA mga nagdaang pagsubok sa iba't ibang bahagi ng daigdig, nanatiling matatag ang mga manggagawang Filipino. Ito ang sinabi ni G. Richard Bolt, country director ng Philippines Country Office ng Asian Development Bank sa isang press briefing sa kanilang tanggapan kaninang umaga.
Ayon kay G. Bolt, sa nagaganap sa Gitnang Silangan, nakikita na ang pagbawi ng presyo ng petrolyo na siyang ikinabubuhay ng iba't ibang bansa. Madalas na ring naririnig ang kanilang pagpapalawak ng mga ekonomiya at pagsusulong ng domestic employment. Hindi magkakaroon ng economic meltdown sa Gitnang Silangan subalit magkakaroon ng banayad na mga pagbabago tulad ng naganap noong global financial crisis.
Sa North America, kabilang ang mga Filipino sa inaasahan at kahit pa nagkaroon ng malubhang financial crisis, nakaligtas ang mga Filipinong manggagawa.
Ani G. Bolt, madaling makatugon ang mga Filipino sa anumang pagsubok at makatatagpo ng iba't ibang hanapbuhay sa labas ng Gitnang Silangan.
Nananatiling malaking hamon para sa Pilipinas ang pagpaparami ng pagkakakitaan upang huwag nang lumabas pa ng bansa ang mga manggagawa. Nakikita na umano ang pagsigla ng services sector at kailangan na lamang magkaroon ng mas magandang productivity at mga mangangapital sa industriya.
Malaki pa rin ang potensyal ng sektor ng pagsasaka sapagkat maraming mga manggagawa ang makikinabang. Industriya at mga pagawaan ang isa pang pagkukunan ng trabaho. May mga pabrika nang itinayo sa Batangas, mga Business Process Outsourcing offices sa Cebu, Davao, Iloilo at nagpapaluwag na rin sa Metro Manila. Walang epekto ang mga naganap na kaguluhan sa Mindanao sapagkat maganda rin ang bilang ng mga BPO sa Davao City.
Hindi dapat magpabaya ang Pilipinas upang higit na mapaunlad ang productivity at tamang paggasta sa mga pagawaing-bayan upang magkaroon ng maayos na daraanan patungo sa ma daungan at paliparan, mga sakahan sa mga pamilihan na posible nilang suportahan tulad ng gagawin sa Kanlurang Mindanao.
Malaki rin ang potensyal ng Pilipinas sa larangan ng turismo sa pagkakaroon ng open skies policy, low-cost airlines at gaming industry na lumalago rin. Sa bawat silid sa mga hotel, nagkakaroon ng trabaho ang tatlo o apat na manggagawa.
Wala umanong ginagawang pag-aaral ang Asian Development Bank hinggil sa epekto ng smuggling sa mga produktong mula sa mga sakahan.
Pinagtutuunan ng Asian Development Bank ang mga palatuntunang kailangan kahit pa magkaroon ng pagbabago sa liderato sa taong 2016 tulad ng mga pagawaing-bayan o infrastructure, pagsusulong ng K+12 sa sektor ng Edukasyon, pagkakaroon ng mas maraming hanapbuhay, slcial protection ng pamahalaan na mahalaga upang higit na gumanda ang ekonomiya. Kailangan din ang capital reforms tulad ng naganap noong nakalipas na taon kasabay ng mga kailangang reporma.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |