|
||||||||
|
||
Pangulong Aquino, dumating na sa Ottawa
PANGULONG AQUINO, DUMATING NA SA OTTAWA. Nagbibigay ng kanyang mensahe ng pasasalamat si Pangulong Aquino sa mainit na pagtanggap sa kanya ni Canadian Governor General David Johnston at ng kanyang maybahay. Makakausap din niya ang mga matatagumpay na Filipino sa Canada sa kanyang pagdalaw. (MALACANANG Photo)
SINIMULAN na ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ang kanyang tatlong araw na paglalakbay sa Canada matapos ang sinasabing matagumpay na pagdalaw sa Chicago.
Ayon sa Presidential Communications Operation Office, sa kanyang pagdating sa Ottawa, naglakbay si Pangulong Aquino sa Rideau Hall, ang tahanan ng governor general ng Canada. Doon siya sinalubong ni Governor General David Johnston at ng kanyang maybahay. Ginawaran siya ng military honors kabilang ang 21-gun salute.
Matapos ang official welcome, nag-usap na sina Pangulong Aquino at Governor General Johnston. Sinundan ito ang pagtatanim ng puno. Nagtanim siya ng red spruce sa tabi ng red maple na itinanim ni Pangulong Corazon Aquino na dumalaw din sa Canada noong 1989.
Isang state dinner ang nakatakdang gawin sa Rideau Hall. Sa araw ng Biyernes, Sabado sa Maynila, mag-uusap sina Pangulong Aquino at Prime Minister Stephen Harper. Sasaksi rin sila sa paglagda sa mga kasunduan na magpapalakas ng relasyon ng dalawang bansa.
Dadalaw din si Pangulong Aquino sa Toronto at Vancouver. Isang pagkilala sa pagdalaw ni Prime Minister Harper sa Maynila ang ginagawang pagdalaw ni Pangulong Aquino sa Canada.
Ayon kay Ambassador Petronila Garcia, makakaharap din ni Pangulong Aquino ang mga Filipino migrants na aabot sa halos 700,000.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |