|
||||||||
|
||
Marami pang nararapat gawin sa mga binagyong pook noong 2013
CATHOLIC RELIEF SERVICES, MAGLILINGKOD PA. Ito ang pangako ni Joseph Curry, Country Director ng CRS. Bukod sa mga pabahay at pagkakakitaan, mayroon din silang mga pagsasanay para sa mga mamamayan kung paano tumugon sa mga kalamidad at iba pang pagbabago sa panahon. (Melo M. Acuna)
KAHIT pa nakapagpatayo na ng mga bagong tahanan para sa mga binagyo sa Eastern Visayas, partikular sa limang bayan sa Eastern Samar at apat na bayan at sa Lungsod ng Tacloban sa Leyte, marami pang nararapat gawin upang makabalik sa maayos na kabuhayan ang mga biktima.
Ito ang sinabi ni Joseph Curry, ang Country Representative ng Catholic Relief Services sa isang panayam ng CBCP News na napapanahon sa ika-18 buwan matapos manalasa ang bagyong "Haiyan" sa Central Philippines.
Mayroon nang kaunlarang nagaganap sa mga apektadong pook sa Eastern Samar at sa Leyte sa pagkakaroon ng mas matibay na mga tahanan subalit kailangang magtayo pa ng mga tahanan para sa iba pang mga biktima, kasabay ng pagpapasigla sa larangan ng pagsasaka, partikular sa industriya ng niyog.
Mayroong 6,000 mga bagong tahanang naitayo at naayos at unti-unti nang natatamo ang pagbawi ng mga tahanan, Sa larangan ng pagsasaka, kailangang mabigyan ng ibang pananim ang mga magsasaka sapagkat karamihan sa kanila'y umaasa lamang sa niyog. Ani G. Curry, kailangang magkaroon ng iba pang mga pananim tulad ng kape at cacao upang madagdagan ang kita ng mga binagyo.
Umabot sa US$ 76 milyon ang kanilang pondong nakalaan para sa bagyong "Haiyan" at nakagastos na sila ng US$ 21 milyon noong 2014 at may nakatakdang gastusin sa taong ito na US$ 32 milyon na ang kalakhan ay sa pagpapabahay, pagtatayo ng water and sanitation facilities at mga programang pagkakakitaan ng mga mamamayan.
Upang maiwasan ang pagkakadoble ng biyayang maibibigay sa mga biktima, sinabi ni G. Curry na mayroong koordinasyon ang kanilang tanggapan sa mga pamahalaang lokal. Pinaglilingkuran nila ang mga napinsala sa mga baybay-dagat at ang mga naninirahan sa malalayong pook, sa kanayunan at maging sa kabundukan.
Naging maganda ang tugon ng iba't ibang ahensya sa kanilang paglikom ng pondo noong nakalipas na 2014 subalit ngayong 2015 ay bumagal na ang mga donasyon sapagkat maryoon ding mga kalamidad sa ibang bahagi ng daigdig.
Layunin ng Catholic Relief Services na matapos nila ang mas maraming mga tahanan sa pagsapit ng ikalawang anibersaryo ng bagyong "Haiyan" o "Yolanda" sa darating na Nobyembre. Magpapatuloy ang kanilang livelihood programs at disaster risk reduction programs mula sa ikatlo hanggang sa ikalimang taong anibersaryo ng pinakamalakas na bagyong tumama sa lupa sa kasaysayan ng daigdig.
Bagama't kinikilalang transitional homes ang kanilang naitayo, hamak na mas maganda na ito sa karamihan ng mga tahanan bago sumapit ang malakas na bagyo. Mayroon na itong kabilya at coconut lumber at yero bilang bubong. Ang CRS ang gumastos sa pagpapasemento ng mga tahanan.
May mahahalagang leksyon ang nakalipas na bagyo at ito ay ang pangangailangan ng paghahanda at napapanahong babala. Nakita na ang kahandaan gn mga pamilya noong sumapit ang bagyong "Ruby" noong nakalipas na Disyembre. Bagaman, kailangang mabawasan ang panahon ng pagbibigay ng angkop na tulong sa mga biktima, mapaganda ang mekanismo upang makabalik sa normal na pamumuhay ang mga mamamayan.
Niliwanag ni G. Curry na walang tahanang itinayo sa mga mapapanganib na pook. Bagaman, kinikilala ng CRS ang distansya ng mga itinatayong tahanan sa hanapbuhay at mga paaralan. Karamihan ng mga nawalan ng tahanan ay walang sariling lupang mapagtatayuan. Mayroong mga biktima na ilang saling-lahi na sa paninirahan sa mga lupaing pag-aari ng iba. Ang mga ito ay may pahintulot mula sa may-ari ng lupain.
Karamihan ng kanilang mga natulungan ay kabilang sa pinakamahihirap na mamamayan. Kalahok din sila sa pagtatayo ng kanilang sariling tahanan.
May pagtutulungan ang CRS at USAID kasama na ang pamahalaang lokal ng Tacloban City upang alamin kung saan maililipat ang 1,500 mula sa may 3,000 mga pamilya upang manatiling ligtas sa anumang kapahamakan.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |