|
||||||||
|
||
Mga tauhan ng Philippine Coast Guard, nagmamakaawa sa pamahalaan
NAGMAMAKAAWA ang dalawang tauhan ng Philippine Coast Guard sa pamahalaan at sa kanilang tanggapan na tulungan sila upang huwag mapugutan ng ulo ng Abu Sayyaf.
Ayon kay Philippine Coast Guard spokesman Commander Armand Balilo na mga tauhan nga nila ang nakita sa video na nakaluhod at may piring ang mga mata sa harap ng mga armadong terorista. Nadukot sila at ang isang barangay chairman sa Dapitan City noong Mayo.
May walong armadong kalalakihang nakita sa video. Isa ang may hawak na itak sa may leeg ng isa sa hostages. Kinilala ang hostages sa mga pangalang Seaman First Class Allan Pagaling, Seaman Second Class Gringo Villaruz at Barangay Chairman Robert Bulagao, mula sa Barangay Aliguay. Nakadestino ang mga tauhan ng coast guard sa daungan ng Dapitan.
Nanawagan sila sa pamunuan ng coast guard at sa pamahalaan na ibigay na ang hinihinging ransom ng mga Abu Sayyaf upang hindi sila mapugutan.
Ikatlo ng Mayo ng madukot ang tatlo ilang minuto bago nag alas dos ng hapon. Ayon sa Philippine Army, dinukot ang tatlo ng may 15 kataong nasuot na uniporme ng sundalo na nagsasalita ng wikang Tagalog. Wala umanong indikasyong mga Abu Sayyaf ang dumukot sa kanila.
Ayon kay Commander Balilo, ginagawa ng Philippine Coast Guard ang lahat upang mailigtas ang dalawa nilang mga tauhan. Nag-utos na si Admiral Rodolfo Isorena noon pa mang ikatlo ng Mayo kay PCG Northern Mindanao district commander Commodore Ferdinand Velasco na gwain ang lahat upang mabawi ang kanilang mga tauhan.
Inatasan din si Commodore Velasco na makipagtulungan sa mga tauhan ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines. Tuloy ang pagbibigay ng updates sa pamilya ng dalawang tauhan ng Philippine Coast Guard.
Samantala, sinabi ni Presidential Communications Secretary Herminio "Sonny" Coloma na nananatili ang paninindigan ng pamahalaang hindi magbabayad ng ransom.
Ito ang reaksyon ng Malacanang sa kumalat na video na nagbanta ang isang maliit na grupo ng Abu Sayyaf na pupugutan ng ulo ang tatlong bihag.
Lumabas ang balitang humihingi ng P 10 milyon ang grupo kapalit ng kalayaan ng mga bihag.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |