|
||||||||
|
||
Walang endorsement na magmumula sa mga obispo
NAGLABAS ng gabay ang mga Obispo ng Simbahang Katolika sa Pilipinas hinggil sa nalalapit na halalan.
Sa isang pahayag na nilagdaan at inilabas ni Arsobispo Socrates B. Villegas, pangulo ng kapulungan ngayong araw na ito, makabubuting tanggihan ang mga pahayag ng mga kandidatong sila ang kandidato ng CBCP, ng diyosesis at maging ng isang obispo. Hindi kailanman naging ugali ng Simbahan na humirang ng napupusuang kandidato. Hindi kailanman magbabago ang paninindigan ng Simbahan at walang papanigang sinuman.
Pagsisikapan din ng mga obispo na huwag makagawa o makapaglabas ng anumang pahayag na tila hihimok sa mga mananampalataya na bumoto para sa partikular na kandidato.
Nararapat lamang pag-usapan ng mga mamamayan ang mga uri ng mga nararapat mamuno sa bansa. Magaganap lamang ito sa pagkakaroon ng sama-samang pagtalakay ng mga kasapi ng Catholic communities sa pamamagitan ng pagdarasal.
Idinagdag pa ni Arsobispo Villegas na marapat na maging sukatan ng magiging pinuno ng bansa at komunidad ang halimbawa ng Panginoong Hesukristo na naglingkod sa halip na paglingkuran.
Hindi rin kailangang gamitin ng mga Katoliko ang lumalabas sa mga survey sapagkat limitado ito tulad ng paraan ng pagsasagawa nito. Hindi kailanman susuportahan ng isang Katoliko ang sinumang kandidatong nangangakong buburahin ang pananampalataya sapagkat napapaloob ang paggalang sa pananampalataya sa Saligang Batas. Hindi susuporta ang sinumang Katoliko sa mga kandidatong may taliwas na paninindigan sa itinuturo ng Simbahan tulad ng abortion, euthanasia at pagbabalik ng parusang kamatayan, diborsyo at pagpapalabnaw sa sakramento ng kasal.
Ang isang Katoliko ay hindi sarado sa paghahalal sa kandidatong hindi Katoliko.
Ang kandidatong walang ginawa kungdi manira ng kapwa kandidato sa kampanya ay nararapat bantayang mabuti. May posibilidad kasing walang maiaalok na ibang kaisipan kaya't nakauton na lamang ang pansin sa paninira ng kapwa.
Nagbabala rin si Arsobispo Villegas sa anumang paraan ng paggamit ng salapi ng pamahalaan sa darating na halalan. Kasabay ito ng panawagan sa Commission on Elections na tiyaking maipatutupad ang lahat ng alituntunin sa loob ng Automated Election Law.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |