|
||||||||
|
||
NANANATILI ang lakas ng tropical depression na pinangalanang "Onyok" at patuloy na nagdadala ng panganib sa Caraga Region.
Ang tropical depression ay inaasahang tatami sa Surigao del Sur ngayong gabi. Ito ang nabatid kay weather forecaster Samuel Duran ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA). Hindi na umano lalakas upang maging isang ganap na bagyo si "Onyok" at patuloy na hihini sa pagtama sa lupa.
Lalabas si "Onyok" sa Philippine Area of Responsibility sa darating na Lunes at magiging isang low pressure area.
Nakataas ang Signal No. 1 sa Surigao del Sur kabilang na ang Siargao Island, Surigao del Nore, Dinagat Province, Misamis Oriental, Camiguin, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Davao Oriental, Davao del Norte, Compostela Valley, Bukidnon, Lanao del Norte, Lanao del Sur, Misamis Occidental, Davao del Sur, North Cotabato, Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur at Zamboanga Sibugay.
Sa magaganap na ito, nanawagan ang PAGASA na malaki ang posibilidad na magkaroon ng flashfloods at landslides sa mabababang pook.
May lakas si "Onyok" na 55 kilometro bawat oras at kumikilos pakanluran sa bilis na 17 kilometro bawat oras. Huling nakita ang sama ng panahon may 405 kilometro sa silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur at mayroong banayad hanggang sa malakas na ulan sa lawak na 100 kilometro.
Samantala, magiging maulap hanggang sa mahinang pag-ulan ang mararanasan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon. Maulap ang kalangitang may mga pag-ulan at mga mumunting tribunada sa iba pang bahagi ng bansa.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |