Taunang benta ng mga sasakyan, lumago ng 25.1%, target nakamtan
PATULOY na lumago ang industriya ng mga sasakyan sa Pilipinas sa pagkakaroon ng 25.1% growth noong nakalipas na Disyembre at nalampasan ang 2015 sales target.
Ayon kay Atty. Rommel Gutierrez, pangulo ng Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines (CAMPI) at ng Truck Manufacturers Association, umabot sa 26,679 na unit ang naipagbili mula sa 21,320 units noong Disyembre ng 2014. Ang pangkalahatang benta ay umabot sa 288,609 para sa buong 2015 mula sa 234,747 units noong 2014.
Mga pampasaherong kotse ang kinakitaan ng 10,461 units na naipagbili noong Disyembre mula sa 7,850 unit noong Disyembre 2014. Sa buong 2015, umabot sa 116,381 units ang naipagbiling kotse noong 2015 na kinakitaan ng 28.9% na kaunlaran mula sa 90,287 units noong 2014.
Tumaas din ang benta ng commercial vehicles sa pagkakaroon ng 20.4% growth sa bentang 16,218 units kung ihahambing sa 13,470 units noong Disyembre ng 2014.
Nanguna pa rin ang Toyota Motor Philippines sa pagkakaroon ng 43.32% market share samantalang pangalaawa ang Mitsubishi Motors Philippines, Corporation na nagkaroon ng 18.74%, Pangatlo ang Ford Motor Company na nagtaglay ng 8.79%, Isuzu Philippines ang pang-apat na nagtamo ng 7.82% at matatag na Honda Cars Philippines, Inc. ang panglima sa 6.69%.
1 2 3 4 5