|
||||||||
|
||
Special Feature
Master Pieces exhibit isang tagumpay
Nadagdagan ang mga alagad ng sining sa Metro Manila sa pagtatanghal ng mga obramaestra ni Jensen Moreno, isang gurong nasa isang international school sa Beijing, China.
Namasdan ng mga alagad ng sining ang mga magagandang painting ni Bb. Moreno sa ikatlong palapag ng Robinson's Magnolia mula noong unang araw ng Abril hanggang noong Linggo, ika-sampu ng buwan.
Itinaguyod ng Dos Pueblos Art Gallery at ng China Radio International ang exhibit ng portraiture artist na si Bb. Moreno.
Sa panayam, sinabi ng alagad ng sining na kumukuha siya ng inspirasyon sa mukha ng taong kanyang iginuguhit tulad na rin ng kanyang pagkakaguhit sa larawan ni Philippine Ambassador to Beijing Erlinda Basilio.
Nadama niya ang kahalagahan ng kanyang ginagawa ng makadalo sa isang okasyon ng ASEAN sa Embahada ng Pilipinas sa Beijing.
Kabilang sa kanyang mga itinampok sa exhibit ang larawan ng isang siklista at football coach na kanyang sinisinta.
Sumubok umano siya ng iba't ibang paraan ng pagpipinta tulad ng paggamit ng oil at water color.
Nagkatagpo sina Bb. Jensen Moreno at Bb. Evangeline Pascual sa isang klinika at nagkasundo silang iguguhit ang First Runner-Up sa 1973 Miss World Beauty Pageant.
Sa panayam kay Bb. Pascual, hindi siya makapaniwalang napakaganda ng pagkakalarawan sa kanya ni Jensen.
Ani Bb. Evangeline Pascual, isa sa mga beauty titlists ng Pilipinas, na isa ring alagad ng Sining, hindi siya makapaniwala sa ganda ng lawarang iginuhit ni Bb. Moreno.
Isa sa mga naging dahilan ng kanyang pagtutuon ng pansin sa pagpipinta ang masiglang daigdig ng Sining sa Beijing na nagtatampok ng iba't ibang kulay. Sa oras na makita niya ang kanyang mga tinuturuang kabataan sa Beijing madalas niyang sabihing may magandang nakalaan sa mga gumugugol ng panahon sa pagpipinta.
Ang mga kabataang nagpipinta sa kanyang pinagtuturuan ang nagpapagunita sa kanya ng kanyang kabataan, noong nagsisimula pa lamang siyang magpinta.
Inamin ni Jensen na dumating din ang pagkakataong nawawalan na siya ng loob sa pagpipinta subalit napakahirap na talikdan ang kinagawiang pagpapadama ng saloobin sa pamamagitan ng pagpipinta.
Sa Beijing, iba't ibang paraan ng pagpipinta at pagpapadama ng pagiging malikhain ang matutunghayan ng madla kaya't ito ang nagpapa-alala sa kanya ng pagpapatuloy sa kanyang ginagawa.
Ayon kay Fidel M. Sarmiento, pangulo ng Art Association of the Philippines, higit na masigla ang daigdig ng Sining lalo pa't mas maraming mga kabataan, hindi lamang sa Pilipinas, ang nagtutuon ng pansin sa Sining, maging sa pagpipinta at iba pang mga paraan.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |