|
||||||||
|
||
160412melo.mp3
|
Commission on Elections, nakipagkasundo sa Integrated Bar of the Philippines at iba pang mga samahan
COMELEC AT SAMAHAN NG MGA ABOGADO, MAGTUTULUNGAN. Makikita sa larawan sina Chairman Andres Bautista ng Commission on Elections, Integrated Bar of the Philippines President Teresita Setias-Reyes (kaliwa) at Lyceum of the Philippines College of Law Dean Soledad Derequito-Mawis (kanan) matapos lagdaan ang kanilang kasunduang magtutulungan sa araw ng halalan. Magtatalaga sila ng mga abogado at law students sa mga polling centres upang tumulong sa larangan ng batas. (Melo M. Acuna)
PORMAL na lumagda sa kasunduan ang Commission on Elections, Integrated Bar of the Philippines at Philippine Association of Law Schools upang magtatag ng legal assistance desks sa higit sa 36,000 voting centers sa buong bansa kahapon.
Sinabi ni Comelec Chair Andres Bautista na ang kasunduan ay bahagi ng mga layunin ng kanyang tanggapan na matiyak na kapani-paniwala at tapat ang magiging halalan sa Lunes, ika-siyam ng Mayo at higit na mapalawak ang bilang ng mga mamamayang boboto.
Ito ang kasunod ng pakikipag-ugnayan ng Comelec sa medical assistance desks na magtatayo ng health stations sa may 2,000 presinto sa buong bansa.
Sinabi pa ni Chairman Bautista na mahalaga ang presensya ng mga abogado sa araw ng halalan upang tumulong sa mga botante sa mga tanong na legal at magabayan sa pormal na pagrereklamo o pagkontra sa nagaganap sa loob ng presinto. Karamihan ng mga problema ng mga botante pagsapit ng halalan ay ang pagkawala ng kanilang pangalan sa talaan ng mga botante.
Saklaw ng kasunduan ang pagtatayo ng isang legal assistance desk sa bawat voting center na magkakaroon ng isang abogado at tutulungan ng mga mag-aaral ng batas. Makikipagtulungan sila sa mga tauhan ng Comelec, sa accredited citizens' arms at iba pang volunteer groups.
Inamin ni Atty. Teresita Setias-Reyes na maraming mga abogado ang may kliyenteng politiko pagsapit ng halalan kaya't pakikiusapan nila ang mga abogadong walang mga politikong tinutulungan na siyang mag-volunteer para sa darating na halalan.
Bagaman, niliwanag ni Chairman Andres Bautista na hanggang sa araw lang ng halalan ang tulong ng mga abogado sapagkat sa oras na matapos na ang eleksyon ay mga abogado na ng Public Attorney's Office ang aalalay sa mga mangangailangan ng legal assistance.
Kabilang sa mga lumagda sina Integrated Bar of the Philippines President Rosario T. Setias – Reyes at Dean Soledad Deriquito-Mawis ng Lyceum of the Philippines College of Law na kumakatawan sa Philippine Association of Law Schools.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |