|
||||||||
|
||
Opisyal ng RCBC, nagbitiw
NAGBITIW na ang ingat-yaman ng Rizal Commercial Banking Corporation sa pagpapatuloy ng pagsisiyasat ng Senate Blue Ribbon Committee sa US$ 81 milyong usapin ng money-laundering na nakalusot sa sangay ng bangko sa Jupiter St., Makati City.
Nagbitiw na si Raul Victor Tan, ingat-yaman at executive vice president ng bangko mula kahapon ayon sa isang disclosure sa Philippine Stock Exchange ngayong araw na ito. Walang anumang dahilang binanggit sa disclosure.
Hinirang ng bangko bilang kapalit ng nagbitiw na opisyal ang isang Carlos Cesar Mercado na may ranggong senior vice president na maluluklok bilang acting treasurer.
Noong ikalima ng Pebrero, may US$ 81 milyon ang nakapasok mula sa bank account ng central bank ng Bangladesh sa Federal Reserve Bank of New York sa apat na bank accounts sa RCBC Jupiter Branch. Ang salapi ay nagmula sa ninakaw ng hackers at nakarating sa mga casino sa Metro Manila.
Binalaan na umano ng RCBC head office sa maling desisyon hinggil sa salaping mula sa Bangladesh. Sa isang pagsisiyasat ng bangko, nabatid na hindi sangkot si Tan sa ginawa ni RCBC branch manager Maia Santos-Deguito, ang gatekeeper ng dirty money mula sa Bangladesh.
Pitong taon nang naglilingkod si Tan sa RCBC. Naglingkod siya bilang pinuno ng treasury at retail banking group.
Ayon kay legal and regulatory affairs head Maria Cecilia Fernandez-Estavillo, walang kasalanan si Tan sa money laundering incident subalit nagbitiw siya dahilan sa command responsibility sapagkat tauhan niya sa Deguito.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |