|
||||||||
|
||
Comelec commissioners, pinagpapaliwanag ang kanilang pinuno
HINILING ng anim na commissioner ng Commission on Elections sa kanilang chairman na si Andres Bautista na magpaliwanag sa pagkabalam ng kabayaran sa honoraria ng higit sa 470,000 mga guro na naglingkod noong nakalipas na halalan.
Sa isang memorandum na nilagdaan ng mga commissioner, pinagpapaliwanag si Chairman Bautista kung bakit naghahabol ang ilang shopping malls na unang inakalang pagdarausan ng botohan. Magugunitang hindi ito naganap.
Kumilos ang anim na commissioner matapos ilang grupo ng mga mamamayan ang nanawagan sa Comelec na magpaliwanag kung bakit 'di pa natatanggap ang kanilang kabayaran ilang linggo na ang nakalilipas mula noong halalan.
Hiniling din ng mga commissioner kay Chairman Bautista at Finance Services Director Zita Buen-Castillon sa katayuan ng honoraria ng mga guro matapos maglaan ang kanilang tanggapan ng P 1.7 bilyon. Hindi nakasunod sa alituntunin ang Finance Services Department na nasa ilalim ng tanggapan ng pinuno ng Comelec.
Ang paglalabas ng cash cards mula sa Land Bank of the Philippines nang walang pondo ay hindi lamang maituturing na paglabag sa alituntunin ng batas bagkos ay krimeng estafa.
Naunang binanggit ni Chairman Bautista noong ika-27 ng Mayo na umabot na sa 86% ng mga naglingkod noong nakalipas na halalan ang nabayaran na.
Binigyan ng mga commissioner ang kanilang chairman ng hanggang Martes upang magpaliwanag.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |