|
||||||||
|
||
Benta ng mga sasakyan, higit na sumigla
TUMAAS na naman ang benta ng mga sasakyan noong nakalipas na buwan ng Agosto. Ito ang ibinalita ng Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines, Inc. at Truck Manufactuerres Association.
Umabot sa 32,472 mga sasakyan ang nabili at mas mataas ng 40% sa naitalang benta noong Agosto ng 2015.
Tumaas na naman ang bilang ng pampasaherong kotse at commercial vehicles kung ihahambing sa mga biniling sasakyan noong nakalipas na taon. May 11,136 na kotse ang nabili at nagkaroon ng 7.8% increase mula sa 10,334 units noong isang taon. Sa larangan ng commercial vehicle, nagkaroon ng 66.1% na dagdag sa bentang umabot sa 21,335 mula sa 12,847 units noong 2015.
Ang Category 3 o Light Trucks ay nagkaroon ng 227% growth sa bentang 1,527 units mula sa 467 units noong 2015. Ang Category 4 o Heavy Duty Trucks and Buses ay lumago rin ng 193% sa bentang 639 units mula sa 218 units. Ang Category 5 (Heavy Duty Trucks/Buses) ay kinakitaan ng 189% o 309 units na nabenta mula noong nakalipas na buwan sa 107 units noong 2015.
Sinabi ni Atty. Rommel Gutierrez, pangulo ng CAMPI, sa bentang nakamit noong Agosto, malaki ang posibilidad na mabago pa ang target na 370,000 mga sasakyan ang mabibili ngayong 2016.
Mula noong unang araw ng Enero hanggang kahapon, umabot sa 229,919 na unit ang nabili. Nanguna pa rin ang Toyota Motor Philippines na nagkaroon ng 43.48% market share. Sumunod ang Mitsubishi Motors Philippines na nagkaroon ng 17.58%. Pangatlo ang Ford Motor Company Philippines na nagtaglay ng 9.72%. Pang-apat ang Isuzu Philippines Corporation na nagkamit ng 7.55% samantalang ang Honda Cars Philippines ay nagkaroon ng 6.30% market share.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |