|
||||||||
|
||
Pangulong Duterte, nagpasalamat sa pagpapalaya sa hostage
NAGPASALAMAT si Pangulong Rodrigo Duterte sa lahat ng tumulong upang mapalaya si Kjartan Sekkingstad sa kamay ng mga Abu Sayyaf. Magugunitang pinalaya ang hostage noong Sabado ng hapon sa Patikul, Sulu.
NORWEGIAN HOSTAGE., NAKALAYA NA. Makikita sa larawan si Kjartan Sekkingstad (kanan) na kinakausap ni Presidential Peace Adviser Jesus Dureza sa Jolo, Sulu kahapon ng umaga. Tumagal ng higit sa isang taon ang pagkakabimbin ng biktima sa kamay ng mga Abu Sayyaf. (Malacanang Photo)
Ani Pangulong Duterte, pinasasalamatan niya sina Nur Misuari, founding chair ng Moro National Liberation Front, si dating Sulu Governor Sakur Tan at si Presidential Adviser Jesus Dureza.
NAGLAKBAY NA ANG PINALAYANG HOSTAGE. Kahapon ay naglakbay na si Kjartan Sekkingstad sakay ng isang lear jet patungong Davao City, kasama si Secretary Jesus Dureza upang makaharap si Pangulong Duterte. (Malacanang Photo)
Nagkita na sina Pangulong Duterte at si Kjartan sa Davao City matapos samahan ni Secretary Dureza mula sa Jolo. Natulog noong Sabado si Kjartan sa tahanan ni Nur Misuari sa Barangay Kagay. Malakas umano ang ulan kaya't doon na muna nagpalipas ng gabi.
NAGPASALAMAT ANG PINALAYANG BIHAG. Nagpasalamat si Kjartan Sekkingstad (gitna) sa Pamahalaan ng Pilipinas sa ilalim ni Pangulong Duterte (kanan) at Secretary Jesus Dureza (kaliwa) sa pagkakalaya niya mula sa mga bandidong Abu Sayyaf. Dalawa sa kanyang mga kasama ang pinugutan ng mga bandido. Na sa larawan din si Norwegian Ambassador Erik Forner (pangalawa mula sa kanan). (Malacanang Photo)
Nagpasalamat ang bihag kay Pangulong Duterte. Naganap ang pagpapalaya matapos ang tahimik na negosasyon at nagbunga sa tulong ng iba't ibang sektor.
Kasama si Kjartan ng tatlong iba pa ng dukutin ng Abu Sayyaf sa isang resort sa Samal Island noong ika-15 ng Setyembre 2015. Kasama niya siyan John Ridsdel at Robert Hall na kapwa pinugutan ng Abu Sayyaf samantalang pinalaya naman si Marites Flor may tatlong buwan na ang nakalilipas. Dumalo rin sa seremonya si Norwegian Ambassador Erik Forner.
(May tatlong Indones na pinalaya rin ng Abu Sayyaf at naipagkaloob na sa kinatawan ng Indonesian Embassy noong Sabado. Nakabalik na sa kanilang bansa ang mga nabihag ng Abu Sayyaf.)
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |