|
||||||||
|
||
Pagdalaw ni Pangulong Duterte sa Tsina, nagbubunga na
PAGDALAW NI PANGULONG DUTERTE SA TSINA, NAGBUBUNGA NA. Sinabi ni G. Wu Zhengping, Director General ng Department of Asian Affairs ng Ministry of Commerce ng Tsina na nakausap na ng kanyang koponan ang mga opisyal ng iba't ibang tanggapan sa Pilipinas at nagkasundong magpupulong sa unang bahagi ng 2017 upang maayos ang mga kasunduan. (Melo M. Acuna)
DUMATING sa Pilipinas ang isang koponan ng mga matataas na opisyal mula sa Ministry of Commerce ng People's Republic of China sa pamumuno ni Director General Wu Zhengping ng Department of Asian Affairs upang alamin ang mga pangangailangan ng Pilipinas sa larangan ng kalakal at kapital.
Sa isang press briefing sa Embahada ng Tsina sa Dasmarinas Village, Makati, sinabi ni G. Wu na sa nakalipas na dalawang araw ay nakausap ng kanyang koponan ang mga opisyal ng Departments of Trade and Industry, Public Works and Highways, Finance at National Economic and Development Authority upang paghandaan ang mga detalyes ng mga proyektong maaaring pagtulungan.
Wala pang pinal na kasunduan subalit sa kanilang mga pag-uusap, magpupulong na mula sa unang bahagi ng 2017 ang Joint Commission on Economic and Trade Cooperation upang lumagda sa anim na taong programa ng mga proyekto. Hindi nagpulong ang joint commission noong panahon ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III.
Ani G. Wu, interesado ang mga Filipino at Tsino sa mga daangbakal, highways, expressways, airports, seaports at iba pang mga pagawaing bayan. Depende na umano sa National Economic and Development Authority kung anong mga proyekto ang maaaring pagkasunduan ng dalawang bansa. Kabilang sa kanilang inaakalang magagawa para sa Pilipinas ay ang pagtatayo ng murang pabahay para sa mga maralitang taga-lungsod.
May pagkadalubhasa ang mga Tsino sa mga pagawaing-bayan, dagdag pa ni G. Wu na naglingkod sa Embahada ng Tsina sa Pilipinas mula 2004 hanggang 2008.
Balak din nilang magtayo ng industrial park tulad ng kanilang mga itinayo sa Indonesia, Cambodia at Myanmar sapagkat maraming mga kumpanyang Tsino ang interesadong magtayo ng mga pagawaan sa Pilipinas.
Nakausap na umano nila ang Board of Investments at ang Philippine Export Zone Authority at naghahanap na ng mapaglalagyan ng kanilang panukalang industrial park. Niliwanag niyang hindi ito maihahalintulad sa industrial zone na itinayo ng Singapore at Tsina sa Suzhou.
Ipinaliwanag pa ni G. Wu na may tatlong antas ang pagtutulungan ng Tsina at Pilipinas tulad ng paggastos mula sa Tsina, Public-Private Partnership at pribadong investments mula sa Tsina.
Noon umanong dumalaw si Pangulong Duterte sa Tsina, sa idinaos na business conference, mayroong mga 20 kumpanyang Tsino ang nagtanong ng detalyes sa pagkakalakal sa pagitan ng dalawang bansa.
Mahalaga umano ang papel ng Pilipinas sa programa ni Pangulong Xi Jinping na One Belt One Road at ang panibagong Maritime Silk Road sapagkat maganda ang kinalalagyan ng Pilipinas sa daigdig ng kalakal.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |