|
||||||||
|
||
Padalang salapi, higit na lumago noong Setyembre
UMABOT sa US$ 2.6 bilyon ang naipadalang salapi ng mga Filipinop mula sa iba't ibang bansa noong nakalipas na Setyembre 2016 at kinatagpuan ng 6.3% increase kung ihahambing sa nakalipas na Setyembre ng 2015.
Samantala, umabot na sa halagang US$ 22.1 bilyon ang naipadalang salapi ng mga Filipino mula noong nakalipas na Enero hanggang huling araw ng Setyembre at mas mataas ng 4.7% kung ihahambing sa nalikom na salapi noong unang siyam na buwan ng 2015.
Ayon kay Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Amando Tetangco, Jr., ang personal remittances ay nagmula sa land-based workers na may mga kontratang higit sa isang taon at umabot sa US$ 17.2 bilyon.
Samantala, ang kinita ng mga magdaragat at land-based workers na may kontratang mas maiksi sa isang taon ay umabot naman sa US$ 4.6 bilyon.
Tumaas din ang cash remittances mula sa overseas Filipinos na idinaan sa mga bangko at umabot sa 6.7% increase sa halagang US$2.4 bilyon. Nangungunang bansang pinagmumulan ng cash remittances noong Setyembre ay ang Estados Unidos, United Arab Emirates, Japan, Qatar, Taiwan at Kuwait.
Sinabi naman ni Assistant Secretary Charles Jose, tagapagsalita ng Department of Foreign Affairs na tinatayang mayroong tatlong milyong mga Filipino sa Estados Unidos. Hindi nga lamang matiyak kung ilan sa kanila ang mga illegal residents.
Umaasa ang Department of Foreign Affairs na hindi naman maaapektuhan ang mga Filipinong ilegal na naninirahan sa Estados Unidos sa pag-upo ni G. Donald Trump bilang pangulo ng bansa sa susunod na taon.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |