|
||||||||
|
||
Lahat ng paraang legal, gagawin ng mga biktima ni Marcos
MAGKAKAROON ng sabayang pagkilos ang mga kasapi sa Claimants 1081 at mga mambabatas na 'di pabor sa pagpapalibing kay dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos sa Libingan ng mga Bayani noong nakalipas na Biyernes.
Sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat kaninang umaga, sinabi ni Gng. Zenaida Salientes Mique na tuloy ang mga pagkilos ng mga biktima sa larangan ng paraang legal at mga pagpoprotesta sa iba't ibang bahagi ng Metro Manila at bansa.
MAGPAPATULOY ANG PAGDULOG SA KORTE SUPREMA. ito ang sinabi ni Senador Francisco "Kiko" Pangilinan (ikalawa mula sa kaliwa) matapos palihim na ilibing ang dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City. Ito ang kanyang pahayag sa idinaos na "Tapatan sa Aristocrat." (Avito Dalan/PNA)
Para kay Senador Francisco "Kiko" Pangilinan, dudulog silang muli sa hukuman upang magkaroon ng Motion for Reconsideration ayon sa itinakdang panahon. Suportado rin nila ang mga pagkilos ng mga biktima at mga naulila. Niliwanag niyang walang pilitan sa paglahok sa mga protesta.
Ayon naman kay Chief Supt. Rolando Nana, deputy regional director for operations ng Philippine National Police-National Capital Region, wala silang nakikitang anumang kaguluhan na idudulot ng protesta laban sa pagpapalibing sa yumaong dating pangulo.
Kung idaraos ang mga protesta sa tinaguriang freedom parks, hindi na kailangan ng mga permiso mula sa pamahalaang lokal. Nanawagan din siya sa mga mamamayan na igalang ang batas upang walang anumang mga 'di pagkakaunawaan ang magaganap.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |