|
|
|||||||
| |
||||||||
|
||
Ligtas ang mga turista sa Pilipinas
NANINIWALA si Foreign Affairs Secretary Perfecto R. Yasay, Jr. na ligtas ang Pilipinas sa mga turistang dadalaw sa bansa ngayong taon. Ito ang kanyang binigyang-diin sa taunang pananghalian ni Foreign Secretary Yasay at mga mamamahayag na idinaos sa Manila Diamond Hotel.
Sinabi ni G. Yasay na ang katagang ligtas ay maaaring magkaroon ng iba't ibang kahulugan subalit ang mga turistang dumadalaw sa iba't ibang bansa ay may kaakibat na panganib sa kamay ng mga kriminal. Ginagawa ng pamahalaan ang lahat upang mapanatiling payapa at maayos ang bansa matiyak lamang na magiging ligtas ang mga panauhin at maging kaaya-aya ang bansa sa turismo.
Niliwanag niyang hindi nila papayuhang dumalaw ang mga turista sa ilang bahagi ng bansa sapagkat may mga suliraning kinakaharap. Tumanggi siyang banggitin ang mga pangalan ng mga pook na maaaring mapanganib.
Layunin ng pamahalaan na masugpo ang kriminalidad, magkaroon ng matagalang kapayapaan sa mga Filipino sa ilang pook sa Mindanao at isinusulong pa rin ang pakikipag-usap sa mga rebeldeng New People's Army, Communist Party of the Philippines at maging National Democratic Front.
May sapat na mga pagawaing-bayan upang matugunan ang pagdagsa ng mga turista sa Pilipinas. Mainit ang nagiging pagtanggap ng mga Filipino sa mga turista.
Ikinatuwa ni Secretary Yasay ang naging reaksyon ng mga kapwa niya ministro ng ugnayang panglabas sa kanilang pagpupulong sa Boracay. Ikinatuwa umano ng mga panauhin ang magandang pagtanggap at kapaligiran. Umaasa siyang ibabalita ng mga panauhin sa kanilang mga kababayan sa Boracay ang kanilang magandang karanasan kamakailan lamang.
Magugunitang binanggit ni Chinese Ambassador Zhao Jianhua sa kanyang talumpati noong nakalipas na buwan na isang malaking hamon para sa Pilipinas ang pagdalaw ng isang milyong turista sa iba't ibang bahagi ng kapuluan.
| ||||
| © China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |