Posibleng maayos ang kalagayan ni Datu Mohammed Abduljabbar Sema sa Malaysia
NASA kamay pa ng mga Malaysian si Datu Mohammed Abduljabbar Sema na dinakip ng mga tauhan ng Interpol noong nakalipas na ika-24 ng Nobyembre sa hangganan ng Malaysia at Thailand.
Sinabi ni Foreign Secretary Perfecto R. Yasay, Jr. na naniniwala siyang sumasailalim pa sa pagsisiyasat ang nakababatang Sema na sinasabing utak ng pagpapasabog sa Davao City noong ikalawang araw ng Setyembre. Magugunitang ikinasawi ito ng 15 katao.
Walang binanggit si Secretary Yasay kung hihingin ng Pilipinas na ipagkaloob na si Sema sa bansa upang papanagutin sa mga sumbong laban sa kanya. Sa tanong kung hindi naman nalalabag ang kanyang karapatan, sinabi ni Secretary Yasay na kilala na ang mga magulang ng 26 na taong-gulang na Sema at walang ibinabalitang problema sa kalagayan ng detenido.
Ang nakababatang Sema ay isa sa mga supling nina Muslimin Sema, isang dating lider ng Moro National Liberation Front at Maguindanao Congresswoman Bai Sandra Sema.
1 2 3 4 5