|
||||||||
|
||
Isnilon Hapilon, na sa Marawi City pa
HINDI PA NAKAAALIS SA MARAWI SI HAPILON. Ito ang sinabi ni AFP Chief of Staff General Eduardo Ano sa isang ambush interview sa Conrad Hotel. Nasa Marawi pa rin umano si Abdulla Maute. (Melo M. Acuna)
NANINIWALA si Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Eduardo Año na nasa loob pa ng Marawi City si Isnilon Hapilon, ang commander ng Abu Sayyaf. Sa isang ambush interview kay General Año, sinabi niyang ito ang dahilan kaya't desididong makipaglaban ang mga Maute sa mga kawal ng pamahalaan.
Naniniwala din ang heneral na napatay na si Omar Maute subalit buhay pa ang kanyang kapatid na si Abdullah Maute at 'di pa nakalalabas ng lungsod.
Tumangging magbigay ng takdang panahon si General Año sa pagtatapos ng labanan sa Marawi City bagaman, sinabi niyang isang kawal ang nasawi kahapon samantalang 24 ang nasugatan. Nalinis na nila ang 56 na gusali sa lungsod bahama't may tatlong barangay pa na kanilang nililinis.
Binanggit din ng chief of staff na may 40 mga banyagang kaalyado ng mga terorista. May ilang napaslang na sa nakalipas na sagupaan. Nagmula ang karamihan sa mga banyaga sa Malaysia at Indonesia.
May isang tao na umanong lumapit sa kanila at nagsabing kanya ang salaping natagpuan ng mga kawal sa isang tahanang pinagkutaan ng mga Maute. Bahala na umano ang mga imbestigador upang alamin ang katotohanan sa pahayag na ito. Hiningi na rin nila ang tulong ng Bangko Sentral ng Pilipinas at National Bureau of Investigation.
Idinagdag pa ni General Año na mahalaga ang papel ng mga religious leader sapagkat may impluensya sila sa kanilang mga kapatid sa pananampalataya. Sa pamamagitan ng rehabilitation program ng pamahalaan, masusugpo na rin ang pagsanib ng mga kabataan sa mga grupong radikal.
Makakatulong din ang trilateral patrol ng Indonesian, Malaysian at Philippine Navy sa mga hangganan ng tatlong bansa sapagkat maiibsan na rin ang pagpasok ng mga terrorista sa pamamagitan ng mga karagatan.
Wala umanong military agreements na lalagdaan sa pagitan ng Indonesia, Malaysia at Pilipinas sapagkat mayroon na ring naunang mga kasunduan. Ang pagtutuunan nila ng pansin ay ang pagbabahaginan ng intelligence reports at joint military training.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |