|
||||||||
|
||
Impeachment complaint laban kay Chairman Bautista, ibinasura
TAPOS na ang impeachment complaint laban kay Comelec Chairman Andres Bautista. Naganap ito matapos bumuto ang 26 na kasapi ng Justice Committee laban sa kahilingan ni Deputy Speaker Gwen Garcia na kilalanin ang reklamo laban sa opisyal ng Comelec na sapat sa pagkakahanda o sufficient in form. Nagmula ang reklamo kina dating Negros Oriental Congressman Jacinto Paras at Atty. Ferdinand Topacio. Dalawa ang sumang-ayon sa kahilingan ni Congresswoman Garcia.
Sa pagdinig, sinabi ni Albay Congessman Edcel Lagman na kinontra niya ang mosyon at napunang magkakahalintulad ang reklamo laban kay G. Bautista nina Dante Jimenez at Atty. Eligio Mallari laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ibinasura din ang reklamo nina Mallari at Jimenez laban kay Chief Justice Sereno.
Idinagdag ni Congressman Lagman na kung ang reklamo ni G. Jimenez ay insufficient in form, ito rin ang nararapat na desisyon sa reklamo nina G. Paras at Topacio.
Sa pagbabasura ng reklamo, walang tatanggaping impeachment complaint laban kay Chairman Bautista hanggang sumapit ang ikapito ng Setyembre 2018.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |