|
||||||||
|
||
20170918 Melo Acuna
|
SINABI ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na nailigtas ng mga kawal ng pamahalaan si Fr. Rey Teresito Larroza Soganub na kilala sa pangalang "Fr. Chito" noong bago naghatinggabi ng Sabado.
Nabihag ng mga Maute si Fr. Chito at mga kasama sa St. Mary's Cathedral noong ika-23 ng Mayo.
Sa isang press briefing sa Campo Aguinaldo, sinabi ni Secretary Lorenzana na kasama ni Fr. Chito, na mula sa Norala, South Cotabato na nailigtas si Lordbin Noblesa Acopio, 29 taong gulang na taga Badiangan, Iloilo City.
Sa tindi umano ng mga sagupaan, napilitang umatras ang mga ISIS-inspired Maute Group at sa kainitan ng putukan, nailigtas ng mga kawal sina Fr. Chito at G. Acopio.
Dinala sila sa punong tanggapan ng Task Force Trident at dinaluhan ng mga manggagamot.
Pinuri ni Secretary Lorenzana ang mga kawal na nakapaglitas kay Fr. Chito at kasama. Unti-unting nakaaangat ang mga kawal laban sa mga grupo ng Maute. Sa ika-119 na araw ng sagupaan sa Marawi City, sinabi ni Secretary Lorenzana na umabot na sa 673 ang armadong napapatay, 47 mga sibilyan ang napaslang ng mga Maute, nakabawi na rin ng 699 na sandata, may 1,730 katao na ang nailigtas na kinabibilangan nina Fr. Chito at G. Acopio, pitong gusali na ang kanilang nalinis matapos malinis ang 28 iba pa at mayroong 149 na kawal at pulis na napaslang sa mga sagupaan.
Handa ang pamahalaang ipagtanggol ang nasasakupan nito at 'di kailanman makakamtan ng mga kalaban ang alinmang bahagi ng bansa, dagdag pa ni G. Lorenzana.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |