Sa pulong na idinaos kamakailan ng Pandesal Forum, na pinamagatang “CPC 20th National Congress: Impact on Global and Philippine Trends,” sinabi ni Herman Tiu Laurel, Presidente ng Asian Century Philippines Strategic Studies Institute (ACPSSI), na ang pananaw at polisiya ng Tsina ay mayroong epekto sa Pilipinas, Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at mundo.
Kaya naman aniya, ang katatapos lamang na Ika-20 Pambansang Kongreso ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) ay napakahalagang kaganapan.
Dagdag ni Laurel, ang nasabing kongreso ay resulta ng “buong-prosesong demokrasyang bayan,” demokrasyang pinakamalawak, pinakamakatotohanan, at pinakaepektibo.
Maliban diyan, 33.6% ng mga representante sa kongreso ay nagmula aniya sa prontera ng mga gawain na kinabibilangan ng mga taikonaut, kampeon ng Olimpiyada, trabahador sa mga malalayong lugar, inhinyero, at iba pa.
Sa pagpapaliwanag sa mga natamong pag-unlad ng Tsina, sinabi ni Laurel na ibinigay ng bansa ang isang modelo ng pag-unlad at isinulong ang redepinisyon ng pandaigdigang demokrasyang maaaring maging kapaki-pakinabang sa mga umuunlad na bansa gaya ng Pilipinas.
“Ang internasyonal na misyon ng Tsina sa lahat ng bansa ay unipikahin ang mundo sa ilalim ng kapayapaan at kasaganaan at itayo ang komunidad ng pinagbabahaginang kapalaran [ng sangkatauhan]…,” saad ni Laurel.
Sa kanyang pagsipi sa datos mula sa Reuters, sinabi ni Laurel na noong 2021, umabot sa 38.6% ang kontribusyon ng Tsina sa kabuhayang pandaigdig.
Samantala, ang Tsina ay nananatiling pinakamalaking trade partner ng Pilipinas, at sa ilalim ng Six-Year Development Program for Trade and Economic Cooperation (2017-22) na nilagdaan ng dalawang bansa, walang humpay na lumago ang bilateral na kalakalan, sa kabila ng epektong dulot ng pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Pumalo sa 82.05 bilyong dolyares ang halaga ng bilateral na kalakalan ng Pilipinas at Tsina noong 2021, mula 61.15 bilyong dolyares noong 2020.
Noong unang kuwarter ng 2022, ang halagang ito ay umabot sa 18.1 bilyong dolyares – mas mataas ng 9.5% kumpara sa gayunding panahon ng tinalikdang taon.
Upang mabenepisyuhan ang Pilipinas sa pag-unlad na alok ng Tsina, kailangan aniyang ratipikahan ng Kongreso ng bansa ang Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP), na siyang magbibigay-daan upang mailipat ng Tsina sa Pilipinas ang mga industriya nitong nalilimithan at pinapatawan ng sangsyon ng Amerika.
Sa kabilang dako, hanga naman si Anna Malindog-Uy, Geopolitics/Political Analyst at Bise Presidente sa Panlabas na Usapin ng ACPSSI sa malinaw na direksyong inilahad ni Pangulong Xi Jinping Tsina sa kanyang talumpati sa Ika-20 Pambansang Kongreso ng CPC, partikular sa larangan ng ekonomiya.
Aniya, mainam na naipaunawa ni Xi ang hangarin ng CPC sa pagtatatag ng sosyalistang lipunang may masiglang demokrasya, na sumusunod sa alituntunin ng batas, may sustenableng pag-unlad at nakasentro sa pagpapauna sa kapakanan ng mga mamamayang Tsino.
Sa palagay ni Malindog-Uy, ang patuloy na pag-unlad ng ekonomiya ng Tsina ay magdadala ng positibong benepisyo sa komunidad ng daigdig at Pilipinas.
Hindi lamang aniya pag-aangkat at pagluluwas ng mga produkto at serbisyo ang handog ng Tsina sa mundo, kundi nagbibigay rin ito ng paglilipat ng teknolohiya o technology transfer, na malaking tulong sa mga umuunlad na bansa tulad ng Pilipinas.
Hinggil dito, kailangan samantalahin ng Pilipinas ang pragmatikong pakikipagkooperasyon sa Tsina sa larangan ng pagluluwas ng mga agrikultural na produkto, paglilipat ng agrikultural na teknolohiya, at iba pa, upang matulungan ang mga magsasakang Pilipino, dagdag ni Malindog-Uy.
Aniya, isa pang pinagtuunan ng pansin ni Xi sa kanyang talumpati ay ang usapin ng pagbabago ng klima at pagpapanatili ng mainam na kalikasan.
“Ang dedikasyon ng Tsina sa pagkakaroon ng pag-unlad pang-ekonomiya’t panlipunang may mataas na kalidad ay nakasentro sa berdeng pag-unlad: ito ay isa nang realidad at hindi isang pangarap lamang,” dagdag niya.
Pagdating naman sa polisiyang panlabas, sinabi niyang maliwanag din sa talumpati ni Pangulong Xi na tatahakin ng Tsina ang isang indipendiyenteng polisiyang panlabas na nakabase sa kapayapaan.
Ayon naman kay Henry Chan, Visiting Senior Research Fellow ng Cambodia Institute for Cooperation and Peace, sa 24 na miyembro ng bagong Pulitburo ng Tsina, 6 ay may ranggong kapareho ng akademisyan, kaya ang bagong liderato ng Tsina ay posibleng pinakasiyentipiko sa buong mundo.
Maliwanag na nakapokus ang Tsina sa pagtatayo ng lipunang nakasentro sa siyentipikong inobasyon at pag-unlad, dagdag niya.
Ani Chan, sa kabila ng mga hamon na kinakaharap ng Tsina sa isyu ng pagkontrol sa pagkalat ng COVID-19, kahirapan sa sektor ng pabahay, sangsyon na ipinapataw ng Amerika sa pag-aangkat ng chips, etc., optimistiko siyang mapagtatagumpayan ng Tsina ang mga ito.
Para naman sa Pilipinas, kailangan aniyang umakto ito base sa sariling interes na magbibigay ng pakinabang sa mga Pilipino.
Kailangan aniyang palakasin ng bansa ang pakikipagpalitang pang-agrikultura sa Tsina at importasyon ng teknolohiya at huwag magpokus sa heopolitika.
Sinabi naman ni Attorney Leomil Aportadera, Propesor ng University of San Agustin sa Iloilo, ang Chinese Dream ay polisiyang pang-ekonomiya ng Tsina, na tinalakay sa Ika-20 Pambansang Kongreso ng CPC na mayroong pandaigdigang implikasyon.
Base sa nasabing kongreso, pabibilisin aniya ng Tsina ang pag-unlad sa mataas na antas.
Upang makibahagi ang Pilipinas sa pag-unlad na ito, kailangang ipagpatuloy ng bansa ang mabuting ugnayan sa Tsina, at huwag hayaang maging hadlang ang ilang hamon sa ibang larangan.
Ulat: Rhio
Patnugot: Jade
Larawan: Frank/Jade
Negosyo’t kalakalan ng Pilipinas at Tsina, pinalalawig ng CIFIT at CAExpo
Isyung kinakaharap ng administrasyong Marcos, tinalakay: ilang eksperto, naghayag ng mungkahi
Prof. Anna Malindog-Uy: IPMDA hindi makabubuti sa rehiyong Asya-Pasipiko
HARMONY: Philippine-China Friendship in Love Songs and Lullabies, itatanghal sa Hunyo 18