Sa magkakahiwalay na okasyon sa Bandar Seri-Begawan, Brunei, nakipag-usap kahapon si Premyer Li Keqiang ng Tsina kina Pangulong Park Geun-hye ng Timog Korea, Pangulong Susilo Bambang Yudhoyono ng Indonesia, Punong Ministrong Hun Sen ng Cambodia, at Punong Ministrong John Phillip Key ng New Zealand.
Sa pakikipag-usap kay Park Geun-hye, ipinahayag ni Li na nakahanda ang Tsina na ibayo pang pataasin ang pamantayang pangkooperasyon ng dalawang bansa sa ibat-ibang larangang gaya ng pagpapatuloy ng high level connectivity, pagpapalawak ng palitan ng mga tauhan, at pagpapasulong ng konstruksyon ng free trade area ng Tsina at T.Korea. Ipinahayag naman ni Park Geun-hye na nakahanda ang kanyang bansa na magsikap, kasama ng Tsina, para tupdin ang mga narating na kasunduang pangkooperasyon, pabilisin ang talastasan sa naturang sonang pangkalakalan, at palalimin ang pagtutulungan ng dalawang bansa sa ibat-ibang larangan.
Nang kausapin ni Li si Pangulong Susilo ng Indonesia, sinabi niyang nakahanda ang Tsina na magsikap, kasama ng Indonesia, para palalimin ang komprehensibong estratehikong partnership ng dalawang bansa, upang kapuwa makinabang ang mga mamamayan ng dalawang bansa at rehiyon. Ipinahayag naman ni Susilo na nakahanda ang Indonesia na pahigpitin ang pakikipagpalitan sa Tsina sa mataas na antas, at isulong ang kooperasyon sa ibat-ibang larangan.
Sa pakikipag-usap kay Hun Sen, ipinahayag ni Li na positibo ang Tsina sa landas na pangkaunlarang pinili ng mga mamamayang Kambodyano, at ikinasisiya niya ang tagumpay na natamo ng Kambodya sa konstruksyon ng bansa. Ipinahayag naman ni Hun Sen na sa bisperas ng ika-55 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Kambodya, nakahanda ang kanyang bansa na magsikap, kasama ng Tsina, para walang tigil na mapasulong ang relasyong Sino-Kambodyano.
Nang katagpuin si John Phllip Key, ipinahayag ni Li na nitong limang taong nakalipas, sapul nang naisakatuparan ang Free Trade Agreement ng Tsina at New Zealand, totohanang nakikinabang mula rito ang mga mamamayan ng dalawang bansa. Nakahanda aniya ang Tsina na magsikap, kasama ng kabilang panig, para pataasin ang bilateral na relasyon sa mas mataas na antas, sa pamamagitan ng pagtutulungan sa ibat-ibang larangang gaya ng estratehikong pagpapalitan, kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan, seguridad ng pagkain, konstruksyon ng imprastruktura at iba pa. Ipinahayag naman ni John Phillip Key na nakahanda rin ang New Zealand na magsikap, kasama ng Tsina, para palawakin ang kooperasyon, maayos na malutas ang isyu ng seguridad sa pagkain, at iba pa.