|
||||||||
|
||
Mga banyaga, nadamay sa trahedya sa Tacloban
MATINDING takot ang nadama ng mga Vietnamese nationals na naninirahan sa Tacloban City matapos hagupitin ng bagyong "Yolanda."
Nagmamakaawang tumawag sa Than Nien News hotline ang isang Vietnamese national at humihingi ng pagkain at tubig.
Si Nguyen Van An, 33 taong gulang, ay nagsabing lahat ng mga Vietnamese adults at mga bata sa Tacloban City ay ligtas subalit nagugutom na at nawalan ng lahat ng ari-arian.
Idinagdag pa ni An na nagsama-sama ang mga Vietnamese sa likod ng isang supermarket, anim na kilometro mula sa paliparan ng Tacloban. Karamihan sa kanilang tahanan ay 'di na mapapakinabangan. Trapal na lamang ang kanilang bubong.
Nasugatan sina Nguyen Duc Duy, 29 na taong gulang at ang kanyang bayaw na si Phat. Ibinalita pa ni An na nangangamba silang hindi makatanggap ng pagkain sapagkat magulo sa Tacloban City. Nawala na rin ang kanilang mga dokumento. Nais na nilang bumalik sa Vietnam.
Nawalan na rin sila ng contact sa kanilang mga kababayang naninirahan sa Samar. Mayroon ding 50 mga Vietnamese sa Biliran Province.
Mayroon umanong 1,000 mga Vietnamese na naniirahan sa Pilipinas at wala pang balita kung nakasama sila sa casualties na idinulot ni "Yolanda." May 14 ng Vietnamese nationals ang namatay pagdating ng bagyo sa Vietnam.
Lumahok na rin ang Vietnam sa mga nag-ambag sa pangangailangan ng Pilipinas. Nagpadala na sila ng US $ 100,000 sa Maynila.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |