|
||||||||
|
||
Sa Kuala Lumpur, Malaysia-Idinaos dito kahapon ng umaga ang ika-10 Summit ng Silangang Asya. Dumalo sa pagtitipon si Premyer Li Keqiang ng Tsina, kasama ng mga lider mula sa sampung kasapi ng ASEAN, Timog Korea, Hapon, Amerika, Rusya, India, Australia, New Zealand, at United Nations.
Positibo ang mga kalahok sa mahalagang papel ng summit sa pagpapabilis ng integrasyon ng Silangang Asya, at pagpapasulong ng kapayapaan at kaunlaran ng rehiyon. Ipinahayag nilang sa masalimuot na kalagayang panrehiyon at pandaigdig, inaasahang gaganap ang summit ng mas mahalagang papel para palalimin ang pagtitiwalaang pampulitika at relasyong pangkabuhayan ng rehiyion; isasagawa ang hakbangin para harapin ang hamong dulot ng terorismo, pagbabago ng klima, cyber security, kalusugang pampubliko, at iba pa; mapapahigpit ang pagtutulungan sa karagatan para sa pagpapasulong ng kaunlarang pangkabuhayan; malulutas ang mga alitan sa pamamagitan ng mapayapang paraan at prinsipyo ng pandaigdig na batas para maisakatuparan ang pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran ng rehiyon.
Sa kanyang talumpati sa pulong, ipinahayag ni Premyer Li Keqiang ng Tsina ang pag-asang ipagpapatuloy ang namumunong papel ng ASEAN sa pagtutulungan ng Silangang Asya.
Iniharap ni Premyer Li ang mga mungkahi hinggil sa pagtutulungan ng summit sa hinaharap. Una, pagpapabilis ng integrasyong pangkabuhayan ng rehiyon, na kinabibilangan ng pagpapahigpit ng komunidad ng Tsina at ASEAN, at pagtatatag ng komunidad na pangkabuhayan ng Silangang Asya sa taong 2020. Ikalawa, pagpapahigpit ng diyalogong pampulitika at panseguridad para itatag ang sistemang panseguridad na angkop sa kalagayan ng rehiyon. Ikatlo, pagpapapalaks ng pagpapalitan para pabutihin ang maharmonyang pakikipamuhayan sa pagitan ng ibat-ibang sibilisasyon.
Samantala, inilahad din ni Li ang paninindigan ng Tsina sa isyu ng South China Sea(SCS). Una, dapat sundin ng iba't ibang mga bansa ang UN Charter, pahalagahan ang kaayusang pandaigdig pagkatapos ng World War II, at magkakasamang protekahan ang katatagan at kapayapaang pandaigdig at panrehiyon na kinabibilangan ng katatagan ng SCS.
Ikalawa, batay sa prinsipyo ng pandaigdigang batas na kinabibilangan ng 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), dapat mapayapang lutasin ng mga direktang kasangkot na bansa ang mga hidwaan sa teritoryo at hurisdiksyon sa pamamagitan ng mapagkaibigang talastasan at pagsasanggunian.
Ikatlo, dapat mabisa at komprehensibong isakatuparan ng Tsina at mga bansang ASEAN ang Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC), pabilisin ang pagsasanggunian hinggil sa Code of Conduct on the South China Sea (COC), marating ang COC sa pundasyon ng nagkakaisang pagsang-ayon sa lalong madaling panahon, at walang humpay na pabutihin ang mekanismo ng patitiwalaan at kooperasyon sa rehiyong ito.
Ikaapat, dapat igalang at katigan ng mga bansa sa labas ng rehiyong ito ang pagsisikap ng Tsina at mga bansang ASEAN para pangalagaan ang katatagan at kapayapaan ng South China Sea, patingkarin ang positibo at konstruktibong papel, at di-isagawa ang mga aksyon na magpapaigting ng tensyon sa rehyong ito.
Ikalima, dapat mangako ang iba't ibang bansa na isagawa at pangalagaan ang kalayaan ng paglalayag at paglipad sa South China Sea batay sa batas na pandaigdig.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |