Idinaos sa Singapore nitong Martes, Mayo 17, 2016 ang 3rd China-Singapore Forum on Social Governance. Magkasamang pinanguluhan ang seremonya ng pagbubukas nina Meng Jianzhu, Puno ng Komisyon ng Komprehensibong Pangangasiwa sa Lipunan ng Komite Sentral ng Partido Kumunista ng Tsina at kanyang Singaporean counterpart Teo Chee-hean.
Tinukoy ni Meng na magkatulad ang situwasyon ng Tsina at Singapore sa pamamahalang panlipunan, kahit nagkakaiba ang pambansang kalagayan nito. Magiging malawak aniya ang pagtutulungan ng dalawang panig sa larangang ito sa hinaharap.
Sinabi ni Meng na pinahahalagahan ng Tsina ang pangangasiwa sa kasalukuyang lipunan, na tumutungo sa dibersipikasyon. Nagsisikap aniya ang Tsina para mapasulong ang pamamahala sa sistemang panlipunan, alinsunod sa batas, para maisakatuparan ang pangmatagalang katatagan at kakayahang magsulong ng pagbabagong panlipunan.
Inilahad naman ni Teo Chee-hean ang ideya at karanasan ng Singapore sa pangangasiwa sa lipunan. Nakahanda aniya ang kanyang bansa na pahigpitin pa ang pakikipagtulungan sa Tsina sa larangang ito.