|
||||||||
|
||
Ayon sa pahayag Huwebes ng gabi, Setyembre 1, 2016, ng Ministri ng Kalusugan ng Singapore, hanggang Huwebes ng hapon, umabot na sa 151 ang bilang ng mga nahawahan ng Zika virus. Tatlumpu't anim (36) sa mga ito ang karagdagang kaso.
Ayon din sa nasabing ministri, tatlo sa nasabing mga karagdagang kaso ang walang kaugnayan sa apektadong lugar.
Ipinagpapatuloy ng National Environment Agency (NEA) ang operasyon para makontrol ang pagdami ng Aedes mosquito, lamok na nagpapalaganap ng Zika virus, chikungunya at dengue, sa mga naunang apektadong lugar na kinabibilangan ng Aljunied Area at Sims Avenue. Samantala, di-kukulangin sa 49 na breeding habitat ang naiulat na natuklasan at nalipol.
Ang NEA ay nagsagawa rin ng katulad na operasyon sa ibang lugar na gaya ng Bedok North Avenue 3, Punggol Way at Joo Seng.
Nitong nagdaang Mayo, ipinatalastas ng Singapore ang unang kaso ng Zika virus at ang maysakit ay isang 48 taong gulang na lalaki na umuwi mula sa Brazil.
Noong katapusan ng Agosto, ipinatalastas ng bansa ang locally transmitted na Zika infection.
Kabilang sa mga sintomas ng Zika infection ay lagnat, pamamantal, pananakit ng kasukasuan at namumulang mata. Pero, kadalasan hindi ito nangangailangan ng pagkaospital, at mababa rin ang insidente ng kamatayan. Ngunit, ito'y lubhang mapanganib para sa mga nagdadalang tao dahil naaapektuhan nito ang sanggol sa sinapupunan.
Salin/Edit: Jade
Pulido: Rhio
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |