Kinatagpo kahapon Hunyo 19, 2017 sa Beijing ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang mga Ministrong Panlabas ng mga bansang BRICS (Brazil, Russia, India, China at South Africa) na dumalo sa BRICS Foreign Ministers' Meeting sa taong ito.
Ipinahayag ni Pangulong Xi ang pagbati sa nasabing pagtitipon at tinukoy niyang sa kasalukuyang masalimuot na kalagayang pandaigdig, isinasabalikat ng mga bansang BRICS ang tungkulin sa pangangalaga sa kani-kanilang pambansang katatagan at kaunlaran, magkasamang paglikha ng mainam na kapaligirang pandaigdig, at ibayong pagpapasulong sa pagtatatag ng makatarungan at makatwirang kaayusang pandaigdig. Aniya, ang mekanismong pangkooperasyon ng BRICS ay angkop, hindi lamang sa komong interes ng mga kasapi nito, kundi maging sa pangangailangang pangkaunlaran ng situwasyong pandaigdig.
Ipinahayag naman ng mga ministrong panlabas ng BRICS ang pasasalamat sa pagsisikap ng Tsina, kasalukuyang tagapangulong bansa ng nasabing grupo, sa pagpapasulong ng pagtutulungan ng mga kasapi nito. Anila, bilang isang mekanismong may malaking sigla at malawak na hinaharap, kailangang ibayong pahigpitin ang pagtutulungan at koordinasyon ng BRICS, para magkasamang harapin ang ibat-ibang hamon sa mundo.