Pagbabalik ng tiwala ng madla sa Senado, malaking hamon
INAMIN ni Senate President Franklin M. Drilon na sa kanyang panunungkulan bilang pinuno ng mataas na kapulungan, isang malaking hamon para sa kanya ay kung paano maibabalik ang paniniwala at pagtitiwala ng mga mamamayan sa Senado bilang isang institusyon. Nagtagumpay naman umano siya bagama't hindi masasabing nabuo ang pagtingin ng taongbayan sa institusyon.
Inihalimbawa niya ang desisyon ng karamihan ng mga senador na huwag nang tumanggap ng kanilang mga Priority Development Assistance Fund (PDAF) na kilala rin sa pangalang pork barrel bago pa man nagdesisyon ang Korte Suprema na ito'y labag sa Saligang Batas. Ginamit na rin nila ang nalalabing salapi para sa pangangailangan ng mga mamamyan sa Visayas at Mindanao.
Naipasa rin nila sa takdang panahon ang budget na kailangan ng pamahalaan na naglaan ng higit sa P 140 bilyon para sa mga kalamidad. Naniniwala siyang magagawa nila ang mga kaukulan at kailangang batas sa susunod na taon. Kabilang dito ang Freedom of Information bill at nagpapatuloy na ang mga debate ng mga mambabatas. Magkakaroon din ng mga pagbabago sa batas para sa maritime industry upang mapangalagaan ang industriya ng pagdaragat at hindi makasama sa blacklist ng European Union dahilan sa hindi pagsunod ng pamahalaan sa mga ipinangako ayon sa 2010 Manila Amendments sa "1978 International Convention on Standards of Training, Certification and Watchkeeping for Seafarers."
Ipinangako rin niya ang pagbabalik-aral sa EPIRA law upang maiwasang maulit ang naganap na pagtaas ng presyo ng kuryente sa nakalipas na 30 araw.
1 2 3 4 5