Panukalang batas para sa mga magdaragat, pasado na, lagda na lamang ang kailangan
NILAGDAAN na ni Speaker Feliciano Q. Belmonte, Jr. ang panukalang batas na pakikinabangan ng mga magdaragat na magsusulong ng kanilang kakayahan at husay. Ipadadala na ito sa Tanggapan ng Pangulo upang malagdaan.
Kikilalanin ito bilang batas na magtatatag sa Maritime Industry Authority bilang nag-iisang maritime administration na may kinalaman sa pagpapatupad ng 1978 International Convention on Standards and Training, Certification and Watchkeeping for Seafarers na may kaukulang susog at International Agreements at mga kasunduan ayon sa pagsasanib ng House Bill 3766 at Senate Bill 2043.
Ayon kay Speaker Belmonte, ito ang unang batas na naipasa sa 16th Regular Session ng Kongreso. Makatutulong ang panukalang batas na mapanatili ng mga magdaragat na Pilipino ang kanilang hanapbuhay.
Ayon kay Angkla Party List Congressman Jesulito Mendoza, ang may akda ng panukalang batas, nagbibigay ito ng pagkilala sa Executive Order 75 ni Pangulong Aquino na naglalaan ng pamantayan sa pagsasanay, kakayahan ng mga magdaragat na ayon sa STCW requirements sa Convention of 1978.
1 2 3 4 5