|
||||||||
|
||
Panahon ng Kwaresma, sinimulan na
MAGSISI AT MANIWALA SA MABUTING BALITA. Ito ang sinasabi ng pari sa paglalagay ng abo sa noo ng mga mananampalataya sa buong daigdig. Makikita sa larawan si Fr. Marvin Mejia, ang Secretary General ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na naglalagay ng abo sa noo ng mananampalataya sa Misa kaninang tanghali. Naulit ang larawang ito sa buong bansa ngayong Miyerkoles ng Abo. (Melo M. Acuna)
MARAMING mga Katolikong Pilipino ang nagtungo sa mga simbahan ngayon bilang pagsisimula ng Kwaresma, ang 40 araw na paggunita sa pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo.
Nilagyan ng abo ang mga noo ng mga nagsimba ngayon at ang mensahe ng pari ay "Magsisi at maniwala sa Mabuting Balita." Ang abong ginagamit sa araw na ito ay mula sa sinunog na palmo o oliba na ginamit noong nakalipas na Linggo ng Palaspas, ang paggunita sa matagumpay na pagpasok ng Panginoong Hesukristo sa Herusalem.
Sa panahon ng Kwaresma, madalas magsagawa ng mga Lenten Recollections ang iba't ibang religious communities sa buong bansa na ang layuni'y magkaroon ng personal na pagbabago, maging mabuting mamamayan at mananampalataya.
Sa isang panayam, sinabi rin ni Arsobispo Oscar V. Cruz na mas makabubuting mangumpisal ang mga mananampalataya upang magkaroon ng tunay na pagtitika at pagbabago.
Kasabay ng Miyerkoles ng Abo, inilunsad rin ng CBCP Media Office ang "Visita Iglesia 2014" na katatampukan ng mga pelikula, larawan at mga panayam at online recollections mula sa mga pari at obispo ng Pilipinas.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |