|
||||||||
|
||
European Union, nangakong magpapatuloy sa pagsuporta sa kampanya laban sa Torture
PATULOY ANG TULONG NG EUROPEAN UNION SA PAGPIGIL NG TORTURE. Ito ang pangako ni European Union Ambassador to the Philippines Guy Ledoux. Maraming mga proyekto ang EU sa Pilipinas sa nakalipas na ilang taon. (Melo M. Acuna)
MAGPAPATULOY ang tulong ng European union upang isulong ang karapatang pangtao ay mabura na ang pagpapahirap sa mga sinisiyasat at pinagdududahang kalaban ng estado.
Ito ang pahayag ni EU Ambassador Guy Ledoux sa isang talakayang pinamagatang "End Torture" kasama ang Medical Action Group at Task Force Detainees of the Philippines sa Makati City kanina. Naganap ang pagtitipon sa pagdiriwang ng "International Day in Support of Victims of Torture."
Sinabi ni Ambassador Ledoux na ang pagpapahirap ay hindi lamang trahedya para sa mga biktima sapagkat ito'y nagdudulot din ng kahihiyan sa mga gumagawa nito at lubhang nakapipinsala sa kalagayan ng mga lipunang nagpipikit-mata sa mga pang-aabuso.
Kailangang mawakasan ang kultura ng kawalan ng pananagutan sa likod ng mga natamong tagumpay ng Administrasyong Aquino. Nararapat madala ang mga may kagagawan ng pagpapasakit sa katarungan at makasama ang lahat ng stakeholders.
Pinuri ni Ambassador Ledoux ang mga ginagawa ng Commission on Human Rights at civil society organizations kabilang na ang Medical Action Group (MAG) at Task Force Detainees of the Philippines (TFDP). Ipinagpasalamat din niya ang pagsasabatas ng Anti-Torture Law noong 2009 at kailangan lamang maipatupad ang buong nilalaman nito.
Dumalo sa talakayan sina Commissioner Jose Manuel S. Mamauag, Atty. Edwin R. Enrile ng Department of Interior and Local Government at mga kinatawan ng Kagawaran ng Katarungan at mga tanggapan ng pamahalaan, Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |